Tanong 69. Papaanong ang banal na bautismo ay nagpapaalala at nagtitiyak sa iyo na ang nag-iisang pagpapakasakit ni Cristo sa krus ay napapakinabangan mo? Sa ganitong paraan: Si Cristo ang nagtatag nitong panlabas na paglilinis na ito at kalakip nito ay ang pangako na kung paanong tiyak na nililinis ng tubig ang dumi sa katawan gayon di naman katiyak na ang Kanyang dugo at Espiritu ay naglilinis sa karumihan ng aking kaluluwa, kung baga, lahat ng aking kasalanan.
Tanong 70. Ano ang ibig sabihin ng mahugasan sa dugo at Espiritu ni Cristo? Ang ibig sabihin ng mahugasan sa dugo ni Cristo ay ang tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan mula sa Diyos dahil sa dugo ni Cristo na nabubo para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit sa krus. Ang ibig naman sabihin ng mahugasan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ay yaong pagbabago na dulot ng Banal na Espiritu at pagiging banal upang maging kaanib kay Cristo nang sa gayon ay lalo tayong mamatay sa kasalanan at mamuhay nang may kabanalan at walang kapintasan.
Tanong 71. Saan ipinangako ni Cristo na tayo ay Kanyang huhugasan ng Kanyang dugo at Espiritu kapag tayo ay nahugasan ng tubig ng bautismo? Sa pagtatatag ng bautismo kung saan sinabi Niya: “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mt 28:19); “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan” (Mk 16:16). Ang pangakong ito ay inulit kung saan tinawag ang bautismo na paghuhugas ng muling kapanganakan at paghuhugas ng mga kasalanan.