PAULINES

Mabuting Balita | Abril 25, 2022 - Lunes


Listen Later

Mabuting Balita | Abril 25, 2022

Lunes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Marcos 16: 15-20

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

Pagninilay:

Tila napakahirap ‘ata ng misyong ibinigay ni Hesus sa kanyang mga Apostoles. Napakahirap at mukhang imposible pa nga: “Go into the whole world and proclaim the gospel to every creature.” Silang mga taga-sunod ni Hesus na napakaraming limitasyon, silang nagsipulasan at nawala na parang bula sa panahon ng krisis ng panginoon sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan, ngayon ay pinagkakatiwalaang ipagpatuloy ang misyon ni Hesus mismo. Ngunit ang lubhang kamangha-mangha dito, natupad nila ang misyong ito! At tayo, sampu ng lahat ng mga kapatid nating Kristiyano sa buong mundo na nag-ugat sa iba’t ibang tradisyon ng mga Apostoles, ay nakikinabang sa pananampalataya at pagtitiwala nila kay Hesus. Ako, personal akong nagpapasalamat sa Diyos para sa handog na pananampalatayang unang ipinahayag ng mga Apostoles at partikular kay San Marcos na siyang unang-unang sumulat ng ebanghelyong pinakikinggan at pinagninilayan natin ngayon araw-araw o linggo-linggo, bilang indibidwal at bilang pamayanan, bilang Simbahan.  Nagtatapos ang ebanghelyo ni San Marcos sa napakagandang imahe ng pagsama at pagpapatibay ni Hesus sa Simbahan at sa misyon nitong ipalaganap ang mabuting balita. Ipanalangin natin ang isa’t isa, tayong mga kasapi ng Simbahang ito, upang patuloy tayong manatiling tapat at matatag sa ating pagsunod kay Kristo Hesus.

San Marcos, ebanghelista, ipanalangin mo kami.

- BRO. IAN CEBLANO SSP.


...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings