PAULINES

MABUTING BALITA | DISYEMBRE 31, 2021 | BIYERNES


Listen Later

MABUTING BALITA | DISYEMBRE 31, 2021

Biyernes sa Ikapitong araw sa Pagdiriwang ng Pasko


EBANGHELYO: Jn 1:1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at di ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita nya ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos siya ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinutukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Hesukristo naman dumating ang kagandahang-loob at ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Bugtong na Anak lamang ang nagpahayag sa kanya, siya ang nasa kandungan ng Ama.

PAGNINILAY:

Sinasabing ang buhay natin ay isang hanay ng simula, pagtatapos, at panibagong simula. Kung alam nating magsabi ng hello; alam rin nating magsabi ng goodbye o paalam. Goodbye 2021; hello 2022. Wika ni Qoheleth o Ecclesiastes, “May panahon para sa lahat, at may panahon para sa bawat pangyayari sa ilalim ng langit… at sa wakas, isinaalang-alang ko ang gawaing bigay ng Diyos… dahil alam kong mananatili magpakailanman ang lahat ng ginagawa ng Diyos… (Ecc 3:1, 10, 14). Sa simula at katapusan, Diyos pa rin ang dapat pasalamatan at papurihan, dahil siya ang simula at ang hantungan ng lahat ng bagay. Sa Diyos ang wakas—at panibagong simula. Salamat sa biyaya ng pagwawakas, natapos rin ang taong ito. Maraming unos at kalamidad na dumaan; pero umaapaw pa rin ang biyaya. Hindi tayo pinababayaan at pababayaan ng Diyos. Salamat sa biyaya ng pagwawakas, may panibagong perspektibo. Ang lahat ng bagay ay may katapusan. Life goes on, ika nga. Kung hindi nagtatapos sa kabutihan o kasiyahan o kagalakan ng Diyos, maaaring hindi pa katapusan. Salamat sa biyaya ng pagwawakas, may panibagong simula. Tanging sa pagwawakas, may panibagong simula, panibagong pangako at pag-asa. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po sa ating lahat!

– Fr. Angelo Paolo Asprer, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings