PAULINES

MABUTING BALITA | DISYEMBRE 9, 2021 | HUWEBES


Listen Later

MABUTING BALITA | DISYEMBRE 9, 2021

Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento


EBANGHELYO: Mt 11:11-15

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

PAGNINILAY:

Maingay ang ating kapaligiran, marami ang ating naririnig sa social media, sa mga taong nakapaligid sa atin at mismong sa ating sarili, lalong lalo na ngayong nalalapit na ang kapaskuhan at eleksyon. Ano nga ba ang dapat pakingggan, paniwalaan at higit sa lahat panghandaan natin, sa kapanahunan ng Adbiyento? Sa Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Hesus, na si Juan Bautista ang pinakadakila sa mga propeta, pero ang pinaka maliit sa langit ay mas higit na dakila pa sa kanya. Ipinakikilala na ni Hesus, na Siya na nga ang hinihintay na Mesiyas na ipinangaral ni Juan Bautista at mga propeta. Sa pakikinig, mahalaga na bukas ang tainga, at higit sa lahat bukas din ang tainga ng ating mga puso. Ipinangaral ni Juan Bautista at ni Hesus ang pagsisisi at pag-babalik loob sa Diyos, pero hindi ito pinakinggan ng mga tao, at hindi rin tayo naiiba sa kanila. Kung narinig at naunawaan natin ang mensahe dapat may kasabay na aksiyon ng pagbabago ng sarili. Ang tahasang desisyon na baguhin ang sarili patungo sa kabanalan para mapabilang sa kaharian ng Diyos. May mga taong ipinapadala ang Diyos para magbigay mensahe at mag-akay sa atin patungo sa Kanya. Mga taong ating nakakasalamuha sa ating araw-araw na pamumuhay. Minsan ang mensahe ay galing sa isang batang musmos, na kadalasan hindi natin nabibigyang pansin. Tungkulin din natin na mag-akay ng iba patungo sa Diyos. Mga kapanalig, tunay na magka-kaugnay ang ating buhay bilang Kristiyano. Bukas ba ang tainga ng iyong puso sa ipinahayag si Hesus? Nalalapit na ang kapaskuhan, ano sa palagay mo ang gusto ng Panginoon na paghandaan mo at magandang regalong maiaalay mo kay Hesus?  - Siony Japzon Ramos, IHF | Institute of the Holy Family

PANALANGIN: Panginoon bigyan Mo po ako ng tainga na marunong makinig, sumunod, at higit sa lahat isang pusong bukas ang tainga ng pang-unawa upang tumugon. Amen.

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings