PAULINES

Mabuting Balita | Enero 12, 2022 – Miyerkules


Listen Later

Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

Mabuting Balita | Enero 12, 2022 – Miyerkules sa Unang Linggo ng Taon


EBANGHELYO: MARCOS 1:29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Hesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Hesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinagon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Hesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Hesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.

PAGNINILAY:

Para kanino ka bumabangon? Isa itong katanungan sa isang commercial ng brand ng kape.  Maganda rin itong itanong sa atin bilang isang Kristyano. Para kanino nga ba tayo bumabangon?  Kung titingnan natin ang buhay ng ating Panginoong Hesukristo, bumabangon siya at ibinuhos niya ang buhay niya sa pagtupad ng kalooban ng kanyang Ama. Ito ang dahilan kung bakit siya nabuhay dito sa mundo. Ang ipakilala ang Diyos Ama bilang mapagmahal na Diyos. Ipinakilala niya ang Diyos Ama at tinupad niya ang layunin sa kanya ng Ama sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon, ang pagpapagaling ng ating Panginoong Hesukristo sa mga may sakit tulad na lang ng Biyenan ni Simon, at pagpapalayas ng mga masamang espiritu sa mga inaalihan nito.  Para kanino tayo bumabangon? Bumabangon tayo para sa Diyos. At ang pagbangon na yan para sa Diyos ay naipapadama natin sa ating kapwa. Kaya naman di natin pwedeng paghiwalayin ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Maganda ding itanong natin sa ating sarili: “Kanino ba nagmumula ang ating lakas para sa ating pagbangon?” Narinig na natin sa Mabuting Balita ngayon na umaga palang bumabangon na ang ating Panginoong Hesukristo upang pumunta sa isang tahimik na lugar at magdasal. Ito ay para humugot ng lakas mula sa Diyos Ama. Ganun din sana ang maging buhay natin. Bumabangon tayo para sa Diyos na pinagmumulan ng ating buhay at lakas araw-araw. Amen.

- Fr. Baste Marfilgadia, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings