PAULINES

Mabuting Balita | Enero 15, 2022 – Sabado


Listen Later

Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

Mabuting Balita | Enero 15, 2022 – Sabado sa Unang Linggo sa Karaniwang Panahon


EBANGHELYO: MARCOS 2:13-17

Pumunta si Hesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Hesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Talagang ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, kapansin-pansin sa Mabuting Balita ngayon ang pakikisalamuha ni Hesus sa mga makasalanan. Inanyayahan Niya si Levi, na isang maniningil ng buwis na sumunod sa Kanya. Gayundin nakisalo Siya at ang Kanyang mga alagad sa iba pang makasalanan, na labis namang ikinagulat ng mga Guro ng Batas. Ginawa ito ng Panginoong Hesus dahil gusto Niyang maligtas ang mga makasalanan. Sa Kanyang pakikihalubilo sa mga makasalanan maituturo Niya sa kanila ang daan ng kabutihan; maipararamdam Niya sa kanila ang Kanyang walang pagtatanging pagmamahal; at mabibigyan Niya pa sila ng pag-asang magbago, na hindi pa huli ang lahat. Marahil sa pagpapadama Niya sa kanila ng walang kundisyong pagmamahal sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, mahikayat din silang magbago at magpakabuti. Sinabi nga ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon na “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi Siya naparito para tawagin ang mga mabubuti kundi ang mga makasalanan.” Mga kapanalig, kung sa ngayon itinuturing natin ang sariling matuwid at malapit sa Diyos, pinapaalalahanan tayong huwag maging mapanhusga sa kahinaan at kasalananan ng ating kapwa. Dahil sa totoo lang tayo’y hindi din mga perfectong tao, at mga makasalanan din. Sa halip na maghusga matutunan nawa natin ang halimbawa ng Panginoon ngayon na bigyan sila ng pagkakataong magbago.

PANALANGIN:

Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong naging mapanhusga ako sa kahinaan ng aking kapwa. Matanto ko nawa lagi na ako’y makasalanan din, na nangangailangan ng iyong habag at awa. Amen.



...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings