PAULINES

Mabuting Balita | Enero 18, 2022 - Martes


Listen Later

Mabuting Balita | Enero 18, 2022 - Martes

Martes sa Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon


EBANGHELYO: MARCOS 2:23-28

Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Hesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ‘yon ipinahihintulot.” “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginagawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY:

Marunong ka bang magdrive? Kung marunong ka siguradong alam mo at kabisado mo ang mga traffic rules. Importante na alam mo at kabisado mo lahat ng batas trapiko para sa maayos na pagda-drive. Go, kung ang kulay ay green. Orange, ibig sabihin kailangan mo ng maghanda para tumigil at Red, kailangan mo ng huminto. Pero alam mo ba na kapag may dumaan na ambulansya o kaya bumbero at tumunog na ang sirena, kailangan mong tumabi at magbigay daan para sa kanila. Kadalasan, nalalabag nila ang batas trapiko dahil sa loob ng ambulansya, may buhay na dapat iligtas. Ang sasakyang pang bumbero kailangan niyang labagin ang batas trapiko dahil kailangan niyang patayin ang apoy na pwedeng kumitil ng maraming buhay.  Mga kapanalig, ito ang mensaheng nais iparating ng ating Panginoong Hesuskristo ngayon, na dapat mas nangingibabaw ang buhay kaysa sa mga letra ng batas. Sa ating Mabuting Balita, nakita at narinig natin na binatikos ng mga Pariseo si Hesus dahil ang mga alagad ay inalis sa uhay ang mga butil at kinain ang mga iyon sa araw ng pahinga. Sinabi ng mga Pariseo kay Hesus: “Tingnan mo ang mga ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinapahintulot.” Sa bandang huli, nagwika sa kanila si Hesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga, ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.”  Maganda ang layunin ng mga batas para sa atin. Kailangan natin itong sundin upang mamuhay tayong matiwasay at maayos.  Pero, dapat nating isaalang-alang palagi ang buhay ng tao, kung sakaling naaapektuhan na ito. Tunay ngang mahabagin at mapagmahal ang Diyos! Hindi kailanman natin siya maikakahon sa mga letra ng mga batas, pag buhay na ang nakasalalay.  Kung buhay ang prioridad ng ating Panginoong Hesukristo, ganun din dapat tayo na mga alagad niya.  Kung tunay nga nating nasusunod ang mga ito, tunay ngang di lang tayo tunay na alagad na sumusunod sa batas, kundi tunay din tayong nagiging tagasunod at mga alagad ng Pag-ibig ni Hesus. Amen. - Fr. Baste Marfilgadia, SSP | Society of St. Paul




...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings