PAULINES

Mabuting Balita | Enero 19, 2023 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita | Enero 19, 2023  

Huwebes sa Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Mark 3:7-12

Lumayo si Hesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya. Nagpapatirapa sila sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.

Pagninilay:

SI HESUS AY ‘HINDI IBA SA ATIN!

Ang misyon natin ay ‘di atin kung hindi dahil kay Hesukristo. Si Hesus, bilang Anak ng Diyos, ang s’yang dahilan kung bakit ang simbahan ay nagpatuloy sa kanyang misyong maipalaganap ang mabuting Balita sa ibat-ibang parte ng mundo.

Mga kapatid, bilang Anak ng Diyos, ninais n’yang gawin at tupdin ang planong mailigtas ang bawat isa sa pangil ng kadiliman at kamatayan. Gaya na lamang ng ginawa n’yang pagpapagaling sa mga taong may ubhang karamdaman at sa ibang mga taong napasukan ng mga maruruming Espiritu ayon sa ating ebanghelyo.

Sa pamamagitan ng pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo sa mga taong nasaniban, naiparating ni Hesus na ang Diyos ay hindi iba sa atin. Naiparating ni Hesus na Karamay natin ang Diyos sa bawat sandali na may pag-ibig, awa at pang-unawa sa buhay ng tao. Ninanais ni Hesus na maramdaman natin ang pagiging malapit n’ya lalong-lalo na sa mga mahihirap at nahihirapan sa buhay dito sa mundo. Kaya sa Ebanghelyong ating napakinggan, dahil sa ginagawa ni Hesus, maraming-maraming mga tao na nagmula pa sa Judea, Jerusalem, Idunea, at iba pang malapit at malalayong bayan ang nagdaragsang malapitan si Hesus.

Sinabi sa banal na kasulatan, “lagi kaming namimighati ngunit hindi nalulupig; wala kaming malusutan ngunit ‘di nawawalan ng pag-asa; inuusig ngunit ‘di napapabayaan.” (2 Cor. 4:8-9a) ito ay dahil kakampi natin si Hesus. Mga kapatid ko sa pananampalataya, sa gabay ng simbahan, inaasahan ni Hesus na maipagpatuloy natin ang pagpapakilala sa ating Diyos bilang Diyos na nakikiramay, Diyos na nagpapagaling, Diyos na nagpapakita ng tunay na pang-unawa sa atin. Sa pamamagitan ng mga Gawain ni Hesus, naway maipahayag natin na ang Diyos ay hindi iba sa atin.

- Fr. Euclid D. Balosbalos l Prelature of Isabela de Basilan


...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings