PAULINES

Mabuting Balita | Enero 20, 2023 – Biyernes


Listen Later

Mabuting Balita | Enero 20, 2023 

Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Taon



Ebanghelyo: Marcos 3:13-19

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan upang palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi'y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

Pagninilay:

Umahon si Hesus sa kaburulan kasama ang kanyang mga pinili. Mula sa mga pinili ni Hesus ay humirang siya ng labing-dalawa na tinawag niyang mga apostol. Sila ang nakasama ni Hesus upang mangaral at binigyan ng kapangyarihang makapag palayas ng mga demonyo. Ang pagpili o pagtawag ay mula kay Hesus. Walang sinuman sa mga apostol ang nagkusa o nag volunteer para makasama sa misyon at gawain ni Hesus. Ang pakikiisa sa misyon ni Hesus ay daan at paanyaya ng kabanalan. Ang paanyaya sa mga apostol ay pakikinig, pag-aaral, pagtulad sa gawain ng kanilang guro. Ganito ang layunin kung bakit mahabang panahon ang ginugugul sa seminaryo. Maaaring ang mga seminarista ang kusang nagpahayag sa kanilang mga magulang ng layunin nilang maglingkod sa Diyos at sambayanan, subalit sa huli ang Diyos ang magpapasya kung sino sa mga ito ang hihirangin niyang maging ganap na lingkod pari. Kung nakikita natin sa ating sambayanan ang kahalagahan ng mga lingkod pari, harinawa ay panggalingan ang ating pamilya ng mga tatawagin ni Hesus na maging mga tagapangaral ng mabuting balita. Sakali man po na wala sa ating pamilya ang tawagin bilang pari, relihiyoso o relihiyosa, malaking tulong sa sambayanan ang tumulong tayo sa mga gawain sa ating parokya sa pagpaparami ng bokasyong ito. Tumulong din tayo sa ating mga seminaryo, pinansyal na tulong, pagkain, tulad ng bigas at iba pang pangangailangan ng mga seminaryo. Malaking tulong din ang ating araw-araw ng pananalangin para sa kanila upang makapagpatuloy sa dakilang bokasyon na kanilang nais na yakapin. Amen.

- Sr. Edith Ledda, fsp | Daughters of St. Paul



...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings