PAULINES

Mabuting Balita | Enero 27, 2022 - Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita | Enero 27, 2022

Huwebes sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


EBANGHELYO: MARCOS 4:21-25

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang mga may tainga! Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”

PAGNINILAY:

Naranasan mo na bang maglakad sa madilim ng lugar? Sa pagkakataong ito marahil ang tanging nasa isip mo ay makakita ka ng liwanag kahit kaunti man lamang para makita mo ang iyong nilalakaran. Sa narinig nating Mabuting Balita ngayon, sinasabi na ang ilaw ay hindi itinatago, sa halip, inilalagay ito sa mataas na lalagyan upang magbigay liwanag sa lahat.  Ano ba ang ilaw na ito na binabanggit sa Mabuting Balita? Ito ang mga katangian at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, na dapat gamitin at palaguin para sa kabutihan ng ating sarili at kapwa. Sa ganitong paraan, para kang isang ilaw na nagbibigay liwanag sa iyong kapaligiran. Lahat tayo’y binigyan ng Diyos ng talento at kakayahan upang gamitin ito sa kabutihan. Nais ng Diyos na gamitin natin at payabungin ang mga ito bilang pagpupuri sa kanya. Sa panahong ito ng krisis dulot ng pandemya, huwag tayong mag-atubili na gamitin ang ating kakayahan para makatulong sa ating kapwa na nangangailangan – maging ito man ay spiritual o material na bagay. Mga kapanalig, kahanga-hanga talaga ang mga sakripisyo na ginagawa ng ating mga medical frontliners. Hindi nila iniinda na ma-expose ang sarili sa virus, dahil naniniwala sila na ang kanilang kaalaman at expertise sa medisina ay isang gift na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon, at kailangan nila itong gamitin sa pagsisilbi sa kapwa. Marami na rin sa kanila ang nagbuwis ng buhay, dahil sa kanilang tapat na pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, bilang isang doctor or nurse. Sila ang mga ilaw na nagbigay liwanag sa madilim na kalagayan ng mga biktima ng Covid-19 sa panahong ito ng pandemya. Hindi nila itinago at ipinagkait ang kanilang kaalaman at kakayahan, upang tumulong sa kapwa. Mga kapanalig, magpasalamat tayo sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Payabungin natin ang mga ito at ibahagi natin sa ating kapwa ng buong puso.

- Sr. Pinky Barrientos, FSP | Daughters of St. Paul



...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings