PAULINES

MABUTING BALITA | Enero 3, 2021 – Linggo


Listen Later

MABUTING BALITA | Enero 3, 2021 – Linggo

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o Epifania

EBANGHELYO: MATEO 2:1-12

Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes,

dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan

ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala

sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes,

naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at

mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.

At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw,

Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda,

sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking

bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila

ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa

Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa

kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis

sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at

tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga

pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang

sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang

kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto,

kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil

binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

PAGNINILAY:

Bago pa man sumapit ang Pasko, karaniwan na nating nakikita ang tatlong mago o

tatlong pantas sa sabsaban ng belen. Kakaiba ang ayos at bihis nila kumpara sa mga

pastol. Kung ang mga pastol ay simpleng mga Judio na may hawak lamang ng tungkod,

iba ang hitsura ng tatlong pantas at magarbo ang kanilang kasuotan. Mahalaga at

piling-pili rin ang bitbit nilang mga handog para sa bagong hari ng mga Judio na

kanilang hinanap. Madali rin silang nakakuha ng pagkakataon na makipag-usap kay

Haring Herodes. Dahil dito, ipinapalagay na ang tatlong pantas ay maaring dugong

bughaw o mga maharlika. Sa kalaunan, tinawag silang mga hari.  Ibinatay ang bilang na

tatlo ayon sa bilang ng regalong ibinigay sa sanggol na si Jesus. Ang isang pantas ay

sinasabing maputi, ang isa nama’y kayumanggi at ang pangatlo ay sunog ang balat. Ito

ay bilang pagkilala sa lahat ng tao, magkakaiba man ang ating mga kulay at

pinagmulang bansa. Lahat ng tao ay tinatanggap sa sabsaban ng belen. Walang inuuri

ang Diyos. Nagpakita siya sa mga simple at ordinaryong pastol, napagmasdan din siya

ng mga hayop, at nakilala rin siya ng mga pantas. - Fr. Paul Marquez, SSP

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings