PAULINES

MABUTING BALITA | HUNYO 1, 2021- Martes


Listen Later

MABUTING BALITA | HUNYO 1, 2021- Martes sa Ika-siyam na Linggo ng Taon

Ibinibigay mo ba ang nararapat para sa Diyos?

EBANGHELYO: MARCOS 12:13–17

Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n'yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” “Ang Cesar.” “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Mabuting Balita na gustong siluin ng mga Pariseo at ng kampon ni Herodes si Hesus sa kanyang pananalita. Wala naman talaga silang intensyon na malaman ang katotohanan kundi ang masamain at ipahamak si Hesus sa anumang kanyang itutugon. Pero nalalaman ni Hesus ang kanilang motibo. Mga kapanalig, napakahalagang tandaan natin na nalalaman na Panginoon ang ating motibo sa anumang ginagawa natin. Nalalaman niya kung taos puso ba at wagas ang ginagawa nating paglilingkod o kung ito ay pakitang-tao lamang at may intensyong magpa-impress, o tumutulong ba tayo nang may string-attached at naghihintay ng kapalit. Nalalaman nang Panginoon ang kaliit-liitang motibo ng ating puso, ang ating iniisip at hangarin, wala tayong maililihim sa kanya. Kaya tugon ni Hesus sa mga nagtanong sa kanya, ibigay kay Cesar ang para kay Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos. Ipinapahiwatig ng tugon na ito ang ating responsibilidad sa Diyos at sa gobyerno o sa mga batas ng lipunang ating ginagalawan. Masasabing meron tayong dual citizenship habang tayo’y nabubuhay: sa Diyos Ama sa Langit na ating uuwian pagkatapos ng maikling buhay sa mundo; at dito sa lupang ating ginagalawan habang tayo’y nabubuhay. Bilang ating tagapalikha na nagmamay-ari ng sangkinapal - nararapat lamang na ibigay natin sa Diyos ang tamang pagsamba, pagpupuri at paglilingkod na magbibigay luwalhati sa Kanya. At bilang citizen ng mundong ito, may responsibilidad din tayong sumunod sa mga batas na ipinatutupad ng gobyerno katulad ng pagbabayad ng tamang buwis, pagsunod sa batas trapiko, pangangalaga sa kalikasan at iba pa na sumusulong ng kapayapaan, kaayusan at mabuting samahan sa pamayanan...  Pakatandaan natin, we are citizens in this world, but we are not of the world. Our real citizenship is in heaven. Kaya kung makompromiso ang ating paninindigan hinggil sa mga bagay-bagay at usapin sa lipunan na kinakailangan nating magdesisyon - piliin natin lagi ang interes ng Diyos, kung ano ang kalugod-lugod sa Diyos. Dahil sa katapusan ng ating buhay, sa sandaling makikipagharap tayo sa Diyos sa oras ng paghuhukom, pananagutan natin lahat ng mga desisyon at pagpili na ginawa natin dito sa mundo - Namuhay ba tayo para sa Diyos o para kay Cesar?

– Sr. Lines Salazar, fsp (Daughters of St. Paul)

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings