PAULINES

Mabuting Balita l Abril 16, 2023 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Abril 16, 2023

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 20:19-31

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Hesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Hesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo

ang kapayapaan! Tomas, dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging
maniwala!” “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Sumainyo ang kapayapaan!” Yan ang bungad ni Hesus na muling nabuhay. “Sumainyo ang kapayapaan” ang bati niya sa mga disipulo niyang nagtatago sa madilim na silid dahil sa takot at kahihiyan.  Ganyan ang ginagawa sa atinng kasalanan—tinatakot at itinutulak tayo sa kahihiyan, hanggang sa tayo na mismo ang kinokontrol nito. Kaya tayong ilibing nang buhay ng ating mga kasalanan, kung hindi natin ito kayang harapin at pagsisihan. Mga Kapanalig, buong-lakas loob nating harapin at hawakan ang sugat na nadulot natin sa iba, dahil sa ating pagkakamali. At hilingin natin sa Diyos na maawain, na pagalingin hindi lamang tayo na nagkasala, kundi pati na rin ang mga taong nasugatan at nasaktan natin, dahil sa ating pagkakamali. 

Manalangin tayo:  Panginoong Mahabagin, patawad po sa maraming pagkakataong nagkasala ako Sa’yo at sa aking kapwa.  Hilumin Mo po ang sugat na naidulot ko sa aking kapwa, bunga ng aking kahinaan at pagkakamali.  At hilumin din po ninyo ako sa mga kahinaan at kasanalang hindi ko kayang mapaglabanan, kung aasa lamang ako sa aking kakayahan.  Amen.

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings