PAULINES

Mabuting Balita l Abril 20, 2023 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Abril 20, 2023

Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 


Ebanghelyo: Juan 3: 31-36

Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi

makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”

 

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa pag-uusap nina Hesus at Nicodemo sa ating Ebanghelyo, nakita natin kung papaanong unti-unting nabubuksan ang isipan at puso ni Nicodemo sa katotohanang hatid ni Hesus.  Bagama’t hindi sinabi sa atin ni San Juan kung tuluyan ngang naging alagad ni Hesus ang Pariseo, may mga palatandaan na siya’y naging tahimik na tagasunod ni Hesus.  Una, si Nicodemo ang nangtanggol kay Hesus sa Sanhendrin, hinimok niya ang kanyang kasamahan na bigyan si Hesus ng tamang paglilitis o “due process”.  Ikalawa, muling nagpakita si Nicodemo sa pagkamatay ni Hesus sa Krus, at tumulong upang bigyan ang kaibigan

ng disenteng libingan.  Ang mga ito’y patunay, na siya nga’y naging malapit kay Hesus.  Mga Kapanalig, inaayayahan rin tayong tanggapin ang katotohanang hatid ni Hesus nang buong puso at isipan.  Ang sinumang manalig sa ating Panginoong Hesus ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.  Ang hindi manalig ay mauuwi sa kapahamakan.  Si Nicodemo ay isang mabuting halimbawa para sa atin. Pero higit sa kanyang ginawa, huwag sana tayong mahiyang ipahayag ang ating pananampalataya kay Hesus sa lahat ng pagkakataon.

Manalangin tayo:  Panginoon, dagdagan Mo po at patibayin ang aking pananampalataya nang huwag akong sumuko sa panahon ng pagsubok.  Matularan ko nawa ang pagpupursigi ni Nicodemo na matuto sa Iyong mga aral upang lumago ako sa pananampalataya Sa’yo, Amen.

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings