PAULINES

Mabuting Balita l Abril 28, 2023 - Biyernes


Listen Later

Mabuting Balita l Abril 28, 2023

Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay






Ebanghelyo: Jn 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Papaano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne upang kainin?” Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Ana Casayas ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang Ebanghelyong narinig natin, nagpapakita ng isang malaking hamon na palalimin ang ating pananampalataya. Hinamon ni Hesus ang mga Hudyo sa sinagoga ng Capernaum na paunlarin ang kanilang pananampalataya. Sinabi ni Hesus   sa kanila na siya ang tinapay ng buhay na bumaba mula sa langit, at ang sinumang kumain ng tinapay na ito, ay mabubuhay magpakailanman. Hindi madaling tinanggap ang mensaheng ito ng mga nakapakinig sa kanya.  Para sa kanila, isa itong mahirap at nakakaligalig na mensahe, at may ilang lumisan dahil dito. Ang sabi nila, “paano nya ibibigay sa atin ang kanyang laman upang kainin”? Mga kapanalig, may mga pagkakataon ba na sumasalungat ang katotohanan ng iyong pananampalataya sa gusto mong paniwalaan?  Ang pananampalataya lamang ang makapagbibigay ng kahulugan sa mga bagay na tila imposible sa pananaw ng tao. Ang imposible sa tao ay posible sa Diyos. Kapag tinanggap natin ang kamangha-manghang katotohanan na ang Eukaristiya ay tunay na Katawan at Dugo ni Kristo, binubuksan natin ang ating sarili sa kanyang banal na kapangyarihan na kumikilos sa atin. Ang Eukaristiya ang nagbibigay lakas para sa ating matagumpay na paglalakbay  sa  buhay na ito tungo sa buhay ng kaisa ang Diyos.

 




...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings