PAULINES

Mabuting Balita l Abril 4, 2023 – Martes


Listen Later

Mabuting Balita l Abril 4, 2023

Martes Santo



Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38

Nabagabag sa kalooban si Hesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Hesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro upang usisain si Hesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Hesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Hesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Hesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Hesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Maiaalay mo ang iyong Buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”


Pagninilay:

Mula sa panulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kalayaan ang siyang pinakatampok na regalo sa atin ng Diyos nang likhain Niya tayo. Malaya kang magdesisyon sa kung ano ang gusto mong gawin—kasama na diyan ang pagpili kung gagawa ka ng mabuti o gagawa ka ng masama. Pero bawat desisyon mo din ay may kaakibat na “consequences” o “resulta.” Ang masamang desisyon ay mauuwi sa kasalanan, at ang mabuti nama’y magdudulot ng grasya. Kahit sino sa atin ay maaring maging katulad ni Hudas Iscariote sa tuwing pinipili natin ang panandaliang saya ng

kasalanan. Kahit gaano pa katiyak ang magandang buhay na pangako sa atin ng Diyos, sa huli tayo pa rin ang pipili kung saan tayo papanig: sa mabuti  o sa masama, sa Diyos o kay Satanas, sa Buhay na walang hanggan o sa kamatayan. Kaya pag-isipan mong mabuti ang bawat desisyon mo.

Manalangin tayo: 

Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu, nang lagi kong piliin ang tama, mabuti at kalugod-logod Sa’yo.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya, upang mapanindigan ko ang bawat desisyong aking gagawin sa Ngalan Mo, Amen.

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings