PAULINES

Mabuting Balita l Agosto 19, 2023 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Agosto 19, 2023 – Sabado

Sabado sa Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon

San Exequiel Moreno, Obispo San Juan Eudes, pari



Ebanghelyo: Mt 19:13-15

 May nagdala kay Hesus ng mga bata para ipatong n’ya ng kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Hesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng langit.” At pagkapatong ni Hesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na s’ya.

Pagninilay:

Kapanalig, ano ang nagiging reaksyon mo, kapag nagsisimba ka at may mga batang naghahabulan sa loob ng simbahan, lalo na kung consecration na? Hindi lang yan, may umaakyat pa sa altar, kaya aakyat din ang yaya o kaya ang magulang, para pababain ang bata.

Minsan nagpapahabol pa ang bata, na para bang nasa playground siya.
Nadi-distract ka rin ba? Minsan nakasaksi ako ng ganitong scenario. Naubos yata ang pasensya ng paring nagmimisa, kaya tumigil sya. Itinuloy lamang nya ang Banal na Misa, nang nakuha na ng kanyang magulang ang bata. Ganito ang senaryong na-imagine ko, sa Mabuting Balita natin ngayon. Marahil magugulo ang mga bata, nang ilapit kay Hesus kaya pinagsabihan sila ng kanyang mga alagad. Pero ano ang sabi ni Hesus? “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata”. Masasalamin natin sa pahayag na ito ni Hesus ang kanyang malasakit at pagpapahalaga sa maliliit na taong, walang pangalan sa lipunan. Madarama natin sa pahayag at reaksyong ito ni Hesus, na pantay ang kanyang pagtingin at pagmamahal sa lahat ng nilikha, kilala man ito sa lipunan, o nasa laylayan. Minsan naman, nagsimba ako sa Cathedral. Archbishop ang nagmimisa. Umakyat sa altar ang isang babaeng
may kapansanan sa pag-iisip, at lumapit sa nagmimisang Arsobispo. Bago pa nakakilos ang mga security guard, nakaakyat na ang babae sa altar, kaya tumigil sumandali sa pagmisa ang Arsobispo, kanya itong binati at binendisyunan. Masayang bumaba ng altar ang babaeng may kapansanan, matapos siyang bendisyunan. Kapanalig, nakita ko sa ginawa ng Arsobispo ang katangian ni Hesus sa ating Mabuting
Balita ngayon. Binigyan nya ng pagpapahalaga ang babae, kahit wala itong halaga sa tingin ng lipunan. Kung minsan, konting panahon at pagkilala lang ay sapat na, upang maiparamdam natin sa ating kapwa, na mahalaga siya sa mundong ating ginagalawan.

 

Sr. Lou Ranara, fsp l  Daughters of St. Paul

 

 




...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings