PAULINES

Mabuting Balita l Agosto 3, 2023 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Agosto 3, 2023 – Huwebes

Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon

San Pedro de Anagni


Ebanghelyo: MATEO 13:47-53

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba

at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin. Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Opo.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing
kukuha siya.” Nang matapos ni Hesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.

 

Pagninilay:

Mga kapanalig, madaling maunawaan at maintindihan ng mga mangingisda ang pagbasang ating narinig. Alam nila kung ano ang isdang maaaring ibenta o kainin, at alam nila ang isdang itatapon, dahil hindi ito maaaring ibenta o kainin. Ito ang talinghaga na ginamit

ng ating Panginoong Hesus, upang ipaalam sa ating lahat, na darating ang panahon na tayo'y hahatulan. Paghihiwalayin ang taong gumawa ng mabuti, at taong gumawa ng masama. Mga kapanalig ang mga pagbasa na inihahatid sa atin araw- araw tulad ng Mabuting Balita, ay isang tulong at gabay. Harinawang patuloy tayong paliwanagan ng Banal na Espiritu, na maunawaan at maisabuhay ang mga aral ng Mabuting Balita upang magkaroon tayo ng pagkakataong makasama ng ating Panginoong Hesus pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo. Nauunawaan ko po at karanasan din, na hindi madali ang magpakabuti, maraming tukso at hamon ang buhay. Idalangin natin at magtiwala tayo sa ating Panginoong Hesus. Siya lamang ang nakababasa ang ating puso at isipan. Ang Diyos lamang ang
huhusga sa atin. Mga kapanalig, manalig tayo na ang Diyos ay pag-ibig. Ang kanyang hatol ay hatol ng pag-ibig. Kapag naranasan natin ng personal na pag-ibig ng Diyos, maluluha tayo, kung masasaktan natin Siya. Marami ang nagsasabing, life is short. Kung maikli ang buhay, harinawang pawang kabutihan na lamang ang sikapin nating gawin, upang ang pangakong langit, ating kamtin. Amen.

-Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings