PAULINES

Mabuting Balita l Agosto 5, 2023 - Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Agosto 5, 2023 - Sabado

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

Pagtatalaga ng Basilika ni Maria sa Roma

Ebanghelyo: Mt 14:1-12

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Hesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako

na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Hesus.

Pagninilay:

Mga kapanalig, mahalaga po ang kasabihan na “Truth will set you free.”  Mabuti man o masakit na tanggapin ang katotohanan, isang malaking biyaya ito sa atin.  Sa kaso ni Herodes sa ating Mabuting Balita, hindi niya matanggap ang kanyang kasalanan na isiniwalat ni Juan. Sa katunayan, nais pa niyang ipapatay si Juan, pero natakot siya.  Dahil sa kanyang “denial” nadagdagan pa ang kanyang pagkakamali ng

mas malaking kasalanan, sa kanyang pagsumpa alang-alang sa anak ni Herodias. Nakita natin dito ang “chain reaction” ng isang kasalanan na kung hindi maituwid, tuloy-tuloy itong pagkakamali. Hindi naging malaya si Herodes dahil dito, bagkus naging sakim at nabulag sa katotohanan. Naisasakripisyo ang buhay ng iba dahil sa pagtalikod sa katotohanan. Nawa’y maging saksi tayo ng katotohanan at kabutihan.

 

MANALANGIN TAYO:

Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Ikaw po ang pag-asa ng aming buhay.  Hinihiling po naming maging matatag sa pananalig saiyo lalo na sa mga panahon ng mga pagsubok.  Tulungan mo po kaming makita at maituwid ang aming pagkakamali.  Buksan mo po ang aming isip at puso na sumunod sa gabay ng

Espiritu Santo sa aming buhay. Amen.

-Sr. Mennen Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings