PAULINES

Mabuting Balita l Disyembre 18, 2022 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Disyembre 18, 2022 – Linggo

Ika - 4 na Linggo ng Adbiyento



Ebanghelyo: Mateo 1:18-24

Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Hesukristo, ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanganan mong Hesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga Panginoon sa pamamagitan ng propeta. “Maglilihi ang birhen at mag sisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihin nasa atin ang Diyos”. Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

Pagninilay:

Habang papalapit ang Pasko ng pagsilang ng sanggol na si Hesus, nagbabalik-tanaw tayo sa mga pangyayaring naganap bago siya iluwal ni Maria sa sabsaban ng Betlehem. Araw-araw humaharap sa atin ang iba’t ibang mga taong pinili ng Diyos at binigyan ng papel para ihanda ang pagdating ng Manunubos. Napakinggan natin ang tungkol sa mga ninuno ni Hesus at kung paanong bahagi silang lahat ng isang malaking pamilya ni Hesus. Maririnig din natin si Juan Bautista, ang Inang Maria at ang mag-asawang Zacarias at Elisabet. Sa Linggong ito, kasama natin si Jose na kasintahan ni Maria. Mula siya sa lipi ni Haring David at pagiging karpintero ang kanyang ikinabubuhay. Ayon sa ebanghelyo, isang “taong matuwid” si Jose. Naipagkasundo na sa kanya si Maria para maging kabiyak ng kanyang puso ngunit nagging malaking palaisipan para kay Jose kung bakit nagdadalang-tao si Maria gayong hindi pa naman sila nagsasama bilang ma-asawa. Ang pagiging “matuwid” ni Jose ay makikita sa kanyang tapat na pagsunod sa batas ng mga Judio. Maari niyang kondenahin si Maria ng pangangalunya. Kung magkagayon, papatawan si Maria ng pambabato hanggang magkalasog-lasog ito at mamatay. Ngunit isang taong nakikinig sa Diyos si Jose kaya’t hindi siya padalos-dalos sa pagdedesisyon. Ipinasya niyang tahimik na hiwalayan si Maria para hindi ito malagay sa kahihiyan. Ngunit sa panaginip kinausap si Jose ng anghel ng Diyos. Tiniyak sa kanyang ang sanggol ay mula sa Diyos, ang bata ay binigyan ng pangalang “Hesus” sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kasalanan. Kung tutularan natin si Jose na taimtim na naghanap sa kalooban ng Diyos, hahantong din tayo sa desisyon sa buhay na puno ng kapayapaan. Kung nalampasan man ni Jose ang mabigat na pagsubok na ito sa kanyang buhay, ito’y sapagkat palagi niyang sinunod, hindi ang sarili niyang kagustuhan, kundi ang kalooban ng Diyos.Pagsapit ng Pasko, habang pagmamasdan natin ang bagong silang na sanggol na dinadalaw ng mga anghel at mga pastol, habang nagniningning ang mga bituin sa kalawakan at masarap ang ating pakiramdam, maalala sana natin si Jose kasama ang ilang mga taong pinili ng Diyos na itaya ang sarili, pumasok sa masalimuot na mga pangyayari, habang patuloy na nagtiwala sa pag-iingat ng Diyos.

- Fr. Paul Marquez, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings