PAULINES

Mabuting Balita l Disyembre 24, 2022 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Disyembre 24, 2022 – Sabado

Ika - 4 na Linggo ng Adbiyento



Ebanghelyo: Lucas 1:67-79

Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya ng ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan. Mula sa sambayanan ni David na kanyang lingkod, Ibinangon niya ang magliligtas sa atin, Ayon sa ipinangako niya noong una. Sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: Kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inaalala ang banal niyang tipan, Ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, Upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, Nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin. At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala. Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan. Upang liwanagan ang mga nanatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at aakayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.”


Pagninilay:

Ang “Benedictus” o Awit ni Zacarias ay nagpapakita sa atin na ang pananampalataya ay isang pag-alala. Sa Mabuting Balita na ating narinig, napuspos ng Espiritu Santo si Zacarias na ama ni Juan Bautista at nagpahayag ng mahabang pagpupuri sa Diyos. Ang mga salitang binigkas niya ay tungkol sa mga dakila at mabubuting gawa ng Diyos para sa Kanyang bayang Israel. Inalala ni Zacarias kung paano tinupad ng Panginoon ang pangakong binitiwan Niya kay Abraham. At siya mismo ay parti at saksi sa katuparan ng pangakong ito. Ang sarili niyang anak na si Juan ay nagsilbing “precursor” – ang propeta ng Kataas-taasan na naghanda ng daan para sa darating na Mesiyas, si Hesukristo. Itinuro ni Juan Bautista sa bayan ng Diyos ang landas ng kaligtasan, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Bukas ay Pasko na naman. Ating gugunitain muli ang Kapanganakan ng ating Panginoon, ang dakilang misteryo ng pagkatawang-tao ng Diyos na pumiling manahan sa atin. Naway ngayong Pasko at sa araw-araw nating pamumuhay ay patuloy nating paigtingin ang ating pananampalataya. Lagi nating alalahanin ang Misteryong ito at ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos sa ating buhay at walang humpay na magpuri at magpasalamat sa Kanya.

Sr. Janice Golez, PDDM | Disciples of the Divine Master

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings