Mabuting Balita l Enero 6, 2024 – Sabado
Ito ang sinabi ni Juan Bautista sa kanyang pangaral: “Parating
na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang
panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating
si Hesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang nahawi ang Langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa Langit: “Ikaw ang Aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
Wala na marahil liligaya pa sa isang tao, na sa harap ng publiko ay ipinagmalaki siya ng kanyang magulang, Tatay o Nanay. Ang relative ko sa Muñoz Nueva Ecija, si Dra. Jamielyn Santos ay bago lang nakapasa sa medical board exam. Sa paglilibot namin sa
bayan ng Muñoz, nakita namin ang kanyang malaking tarpaulin sa bayan. Patunay lang ito na ipinagmamalaki siya ng buong pamilya. Ito rin sa tingin ko, ang saloobin ng Diyos Ama noong winika Niya “Ikaw ang aking minamahal na Anak, na lubha kong kinalulugdan.” Batid natin na ang pagpapabinyag ni Hesus kay Juan Bautista ang simula at hudyat ng kanyang misyon dito sa lupa. Pagpapatunay din ito, na Siya ay Anak ng Diyos. Sa
pagbibinyag, itinulad ni Hesus ang kanyang sarili sa ating lahat na
makasalanan, sa kabila na Siya ay walang kasalanan. Sinabi ni Juan Bautista sa simula ng pagbasa, na siya ay nagbibinyag sa tubig, pero si Hesus na Anak ng Diyos ay magbibinyag sa Espiritu Santo. Mga kapanalig, pahalagahan natin ang sakramento ng binyag dahil sa pamamagitan nito, nakikibahagi tayo sa pagkahari, pagkapari at pagkapropeta ni Hesus. Sa binyag tayo ay maituturing na mga inampong anak ng Diyos Ama. Amen.