Mabuting Balita l Enero 7, 2024 – Linggo
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng ng Panginoon
Pagkapanganak kay Jesus sa Bethlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”
Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at mga dalubhasa sa batas at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas.
At sinabi nila: “Sa Bethlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda. Hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat saiyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.”
Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Bethlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.”
Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas ng makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.
At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Focus ka ba sa buhay? Sa ating pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o Epipanya, hindi mawawala sa eksena ang mga pantas. Sa kultura ng mga taga
Silangan, ang mga pantas ay ang mga matatalino ng bayan na tumutulong sa paghirang ng mga bagong hari. Sa kabilang banda, para naman sa Ebanghelistang si Mateo, ang mga pantas ay sumasagisag sa mga dayuhan na kumikilala sa Diyos ng Israel sa pamamagitan ni Hesus. Natunghayan natin sa Mabuting Balita na ang mga pantas mula sa Silangan ay focus sa kanilang paghahanap sa bagong silang na hari ng mga Judio. Marami silang pinagdaanang mga pagsubok. Isa na rito ang pakikipagtagpo sa sinungaling at mapagpanggap na Haring Herodes, na magbibigay galang daw sa bata. Pero ang
totoo ay pagpatay ang gagawin. Salamat sa Diyos dahil focus ang mga pantas. Sa pamamagitan ng panaginip ay nakinig lamang sila sa Diyos; at hindi sa mapanlinlang na Herodes. Focus! Ito ang
paanyaya sa atin. Mga kapanalig, ang Buhay ay isang paglalakbay. Maaari tayong maligaw at matukso lalong lalo na sa mga taong may matatamis ang dila tulad ni Herodes na pinuno yata ng mga scammers!!! Maging focus at huwag panghinaan ng loob. Sa gabay ng Panginoon, tularan natin ang mga pantas na pursigido na makamtan ang nais. Amen.
-FR. RAMIL TAPANG, SSP l Society of St. Paul