PAULINES

MABUTING BALITA l HULYO 7, 2022 – HUWEBES


Listen Later

HULYO 7, 2022 – Huwebes sa Ika – 14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Beato Pedro To Rot


Ebanghelyo: Mt 10:7-15

Sinabi ni Hesus sa Labindalawa: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit’. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”

Pagninilay:

Minsan po akong tinanong, brother bakit pinahintulutan ng Diyos mangyari ang pandemya? (Dahil sa mga gulo at ingay ng mundo) Bakit parang hindi pinapanigan ang Diyos ang totoo at mabuti? Hindi ako nakasagot. Sa ating Mabuting Balita, sinasabi ni Hesus, malapit na ang kaganapan ng Paghahari ng Diyos. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, palayain ang mga inaalihan ng demonyo. Aba kung magkagayon, Maraming ngingiti, maraming gagaan ang kalooban, mas maraming magpupuri sa Diyos. Gayunpaman, para bang hindi ito ang nangyayari. Dahil sa pandemya mas maraming nagkakasakit at namamatay. Marami pa ring alipin ng mga makamundong gawain. Maraming taong mistulang pilay na, dahil sa hirap ng buhay. Mga kapanalig, hindi lamang sa mga madre, pari, relihoso’t at piling mga layko ang misyong ito na iniatas ni Hesus. Sa binyag tayong lahat ay naging kasapi sa misyong ito. Kaya naman hari nawa na sa pag-iral natin sa buhay na ito patuloy na madama sa ating presensya at pasensya si Hesus—kahit mahirap ang buhay, kahit parang tinatalo tayo ng kasamaan—patuloy nating itaguyod ang misyon ni Hesus. Dahil, kung saan nananaig ang kabutihan, naitataguyod ang katotohanan at nananahan ang pag-ibig, doon tunay at nagiging ganap ang paghahari ng Diyos. Amen. Bro. Vinz

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings