PAULINES

MABUTING BALITA l HUNYO 12, 2022 - LINGGO


Listen Later

Mabuting Balita | Hunyo 12, 2022

Dakilang Kapistahan ng Banal na Isangtatlo


Ebanghelyo: Jn 16:12–15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman S’ya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na S’yang sasabihin mula sa ganang sarili kundi ang lahat n’yang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita n’ya sa inyo ang tatanggapin n’ya mula sa akin, at sa gayon n’ya ako luluwalhatiin. Ang tanang sa Ama ay akin. Dahilan dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin s’ya tatanggap at magbabalita sa inyo.’”

Pagninilay:

Sinisimulan ng mga Kristiyanong Katoliko ang bawat panalangin sa pag-aantanda ng krus. Humihingi tayo ng tulong sa Ama, Anak at Espiritu Santo. Bahagi n gating pananampalataya ang pakilala sa Banal na Isangtatlo. Bagama’t isa lamang ang Diyos, nakilala natin siyang umiiral sa Tatlong persona. Ang Ama ang lumikha ng sangtinakpan at sa mga tao. Ang Anak sa katauhan ni Jesus ang nagkamit ng kaligtasan para sa sanlibutan. Siya rin ang nagbunyag sa atin tungkol sa mahigpit niyang kaugnayan sa Ama at sa Espiritu Santo. Sa ebanghelyo, ipinangako ni Jesus na ipapadala niya ang Espiritu Santo sa kanyang mga alagad para tulungan silang maunawaan ang buong katotohanan. Sa pag-alis ni Jesus, hindi makakayanan ng mga alagad na unawain agad-agad ang lahat tungkol kay Jesus at tungkol sa Diyos. Hindi lamang sa mga alagad ipinadala ang Espiritu Santo. Ibinibigay rin ang Espiritu Santo sa lahat ng tao bilang Gabay at Patnubay. Kabilang tayo lahat na nabubuhay sa ating panahon. Maraming balakid ang maaring humadlang sa pagsunod natin sa Diyos. Sa halip na sundan natin ang buhay ni Jesus na punung-puno ng pagmamalasakit sa kapwa, paglingap sa mga binabalewala, maari tayong magkibit-balikat at hindi makisangkot sa paggawa ng kabutihan. May mga pagkakataon din na tila ibinabagsak tayo ng matinding pagsubok. Sumasaatin ang Espiritu ng Diyos para ibalik tayo sa landas ni Jesus. Ang landas na ito ang magdadala sa atin pabalik sa ating kapwa tao at magpupspos sa atin ng bagong sigla at pag-asa. Dahil ano nga ba ang diwa ng Banal na Isangtatlo kundi pakikipag-ugnayan sa kapwa na may pagmamahalan. Sa pagmamahalang ito nakaugat ang kanilang mahigpit at malalim na ugnayan. Hindi natin masasabing nagkanya-kanya sila ng galaw at nanatili sa kanilang teritoryo. Sa Gawain ng bawat Persona ng Isangtatlo, lahat ay kabahagi at kasangkot sapagkat ang pag-ibig nila sa isa’t isa ang patayan ng kanilang pagkilos. SA pagtataguyod natin sa pamilya, pamayanan, lugar ng paggawa, at sa pagbuo ng isang nagkakaisang bansa, mahihilom lamang ang sugat ng pagkakawatak-watak at pagkakanya-kanya kung tatanggapin natin ang buhay ng Isangtatlo, ang tanging buhay na magbubuklod sa ating lahat. – Fr. Paul Marquez, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings