PAULINES

Mabuting Balita l Hunyo 17, 2023 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Hunyo 17, 2023

Sabado sa Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Lucas 2: 41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy

siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

 

Pagninilay:

Mga kapanalig, isa sa mga Utos ng Diyos ay ang “Paggalang sa mga magulang”. Salamat sa Panginoon, dahil ang Utos na ito, isa rin sa mga pinapahalagahan sa ating kulturang Pilipino. Mapagmahal ang ating mga magulang, kaya tayo rin, sa tulong ng kanilang paggabay at sa biyaya ng Diyos ay naging mga masunurin. Sa kwento ng ating Mabuting Balita, nag-alala ng lubos ang mga magulang ng Panginoong Hesus sa kanyang pagkawala. “Bakit ninyo ako hinahanap?” ang sagot ni Hesus. Mahalagang makita natin ang malaki niyang responsibilidad kesa sa kanyang sagot. Hindi nawala ang kanyang paggalang, pero, dahil sa limitasyon ng “translation” sa orihinal na texto, iba ang dating nito sa atin. Sa katunayan, sa huling bahagi ng Mabuting Balita, narinig natin na “siya’y naging masunurin sa kanila”. Nawa’y manatili tayong magalang sa ating mga magulang sa lahat ng panahon.

Manalangin tayo:  Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya, lalo na sa aming mapagmahal na mga magulang! Sila po ang malaking instrumento ng Iyong wagas na pag-ibig sa bawat isa sa amin. Sa tulong po ng Iyong biyaya, maging karapat-dapat nawa kami na tanggapin ang Iyong pagmamahal sa pamamagitan ng aming mga magulang. Basbasan N’yo po sila ng mabuting kalusugan at gabay sa buhay. Amen.

 

-  Sr. Mennen Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings