PAULINES

Mabuting Balita l Hunyo 2, 2023 – Biyernes


Listen Later

Mabuting Balita l Hunyo 2, 2023

Biyernes sa Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mk 11:11-26

Dumating si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ang Labindalawa. Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahoon lamang. Hindi nga panahon ng igos. Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad. Pagkarating ni Hesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng

mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. At hindi niya pinayagan dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay. Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” Nabalitaan naman ito ng mga Punong pari at mga guro ng Batas at hangad nila s’yang iligpit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pagtuturo. At nang hapon na, muli silang lumabas ng lunsod. Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo. hanggang-ugat ang punong-igos. Kaya naalala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.” At nagsalita si Hesus sa kanila:
“Sumampalataya kayo sa Diyos. Sa totoo lang, sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: 'Tumayo ka't itapon mo ang iyong sarili sa dagat!'
at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinabi, mangyayari ito sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin n’yo sa panalangin, sumampalataya kayo na natanggap na ninyo at tatanggapin ninyo. At pagtindig ninyo sa pananalangin magpatawad kayo kung meron kayong sama ng loob kaninuman, sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit sa inyong mga kasalanan.”

 

Pagninilay:

Ikaw ba ay isang taong matagumpay? Anu-ano nga ba ang mga katangian ng isang taong matagumpay?   Sabi ng dalawang propesor sa Harvard University, matagumpay ang isang tao kung siya’y nagtataglay ng apat (4) na katangian; tanggalin mo ang isa o dalawang katangian, hindi masasabi na matagumpay ang isang tao.   Una, ang taong matagumpay ay masaya at kuntento sa buhay. Ikalawa, ang taong matagumpay ay yaong nakamit o naisakatuparan ang mga dakilang pangarap niya. Ikatlo, ang taong matagumpay ay nabubuhay nang makabuluhan. Ikaapat, ang taong matagumpay ay may mahalagang ambag sa pagpapalago ng komunidad o lipunan.  

Mga kapanalig, Matagumpay ba tayo sa buhay? O mas mahalagang tanungin: mabunga ba tayo? Makabuluhan ba ang ating buhay?

Nagbubunga ba ang ating buhay panalangin o pananampalataya?  O mistulang hindi tayo namumunga katulad ng puno o bunga ng igos sa Mabuting Balita? Walang mabuti at kapaki-pakinabang na naidulot tayo sa kapwa at sa Diyos.  

Marahil ang isang tao ay matagumpay pero hindi namumunga; maaari ring ang isang tao ay namumunga pero hindi

matagumpay.   Muli tayong pinapaalalahanan ng Mabuting Balita, nawa’y huwag lamang tayo mangarap nang mataas, kundi mangarap
nang malalim at makabuluhan nang sa gayo'y hindi lamang tayo maging matagumpay ayon sa pamantayan ng mundo, kundi lalo’t higit maging mabunga ayon sa kalooban ng Diyos.

 

-       Fr. Angelo Paolo Asprer, SSP l Society of St. Paul

 




...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings