PAULINES

MABUTING BALITA l HUNYO 25, 2022 - SABADO


Listen Later

Mabuting Balita | Hunyo 25, 2022

Sabado Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria


Ebanghelyo: Lucas 2: 41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

Pagninilay:

Saan nga ba natin madalas makita ang Panginoon? Sa Simbahan lamang ba? Sa tahanan? Sa lugar kung saan tayo nagtatrabaho? Sa lansangan? Saan nga ba natin nakaka daupang palad ang Panginoon?

Naniniwala ako na ang isa sa pinaka paboritong tambayan ng Panginoon ay walang iba kundi sa ating mga Puso. Kamusta na ba ang ating mga puso? Malinis pa ba ang ating mga puso para sa ating Panginoon? O tambak na ba ng mga kalat na at dumi ito ng mga bagay na nakakasama sa ating Puso? Puro galit, pighati, hindi pagkakaunawaan, walang pagpapatawad, kasakiman. Puso na puro na lang ikukumpara ang sarili sa iba? Puso na may selos, puso na puro na lang reklamo?

Ngayong kapistahan ng kalinis-linisang puso ng mahal na ina nating si Maria. Tayo ay pinapaalalahanan na ating alagaan, linisan, ayusin, at baguhin ang ating mga puso para sa ating Panginoon katulad ng Puso ng ating mahal na ina na handang magmahal sa Panginoon.

- Rev. Fr. Januarius Ma. Paglinawan, MMHC | Marian Missionaries of the Holy Cross

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Ninyo po kaming magkaroon ng pusong tapat at nagmamahal. Ama, manahan ka nawa sa aming mga Puso upang aming manibago ito at maging pusong katuwang mo. Nawa’y matularan naming ang Puso ni Maria na simula’t sa huli ay walang sawang nagmamahal sa iyo. Amen.

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings