PAULINES

Mabuting Balita l Hunyo 27, 2023 – Martes


Listen Later

Mabuting Balita l Hunyo 27, 2023

Martes sa Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon


Ebanghelyo: Mateo  7:6, 12–14

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ng pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.”

 

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Noong panahon ng giyera, may kwento tungkol sa mag-ama na hinahabol ng mga kaaway. At upang makaligtas, dapat silang dumaan sa isang makitid na daan na baku-bako at madawag.  Kaya iminungkahi ng anak sa ama, na lumipat sila sa kabilang daan na malapad at sementado. Sabi ng ama: “Anak, malapad nga iyon pero, peligroso. Ito ang natitiyak kong daan patungo sa kaligtasan, kahit na mahirapan tayo.” Naniwala ang anak, dahil sinabi ito ng kanyang ama na marunong at nagmamahal sa kanya.  Mga kapatid, hindi

magiging kaakit-akit ang paanyaya ni Hesus na pumasok sa makipot na daan, kung ang pagtutuunan natin ng pansin ay ang paghihirap na kaakibat nito. Sa halip, kailangang i-focus natin ang inner vision sa happy ending; sa buhay na maligaya at walang hanggan.  Sa panahon natin ngayon, naglipana rin ang mga fake na guro, katulad ng fake news.  Tulad ng sinabi ni San Pablo kay Timoteo, “Darating ang panahon na hindi na maaatim ng mga tao ang mabuting aral … at isasara ang tainga sa katotohanan, at ibabaling naman sa mga alamat.”  Si Hesus ang kaisa-isang Guro, na nagtuturo sa atin ng totoo dahil Siya ang Katotohanan na galing sa Ama. Isinabuhay rin niya ang kanyang ipinangaral. Sa kanyang pagpakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, pinasok na niya ang makipot na pintuan, at siya’y naging matagumpay sa huli. Tinamo niya para sa atin ang buhay na walang hanggan.  Kapatid, libre ang grasya, pero nasa atin ang pagpapasya. Ang pagpili sa makipot na pintuan o maluwang na pintuan ay isang seryosong desisyon. Eternal salvation natin ang nakataya dito! (Maging sa araw-araw nating pamumuhay, pinapipili rin tayo sa dalawang pinto:  ang kalooban ng Diyos o ang ating sariling kagustuhan; magmalasakit sa
kapwa o mag-enjoy lang sa ating comfort zone.  Yakapin nawa natin ang paanyaya ni Hesus Maestro na pumasok sa makipot na pintuan ng mga pagsubok sa buhay bilang pagsunod sa kanyang mga yapak. At dahil si Hesus ay namatay para mailigtas ang lahat, ialay nawa natin ang ating mga pagtitiis para sa pagbabalik- loob ng maraming pumapasok sa maluwang na pinto, na papunta sa kapahamakan.

Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo po kami ng lakas ng loob na piliin ka lagi sa mga gagawin naming mga desisyon. Amen. )

-  Sr. Evangelina Canag, fsp l Daughters of St. Paul

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings