PAULINES

Mabuting Balita l Hunyo 5, 2023 – Lunes


Listen Later

Mabuting Balita l Hunyo 5, 2023

Lunes sa Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon


Ebanghelyo: MARCOS 12:1-12

Nagsimulang magsalita si Hesus sa talinghaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang

may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba. “Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At pinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang 'igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.' Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan. “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya't lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panukulang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang aking nakita.” Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinghagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.

 

 

Pagninilay:

Matindi ang karahasan sa talinhagang ibinahagi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Napakasasama ng mga magsasakang hindi lang nakuntento sa hindi pagtanggap sa mga alipin, pinatay pa nila ang mga ito, at pinatay din nila ang minamahal na anak ng nagmamay-ari ng ubasan. 

Mga kapanalig, iba’t-ibang uri din ng karahasan ang nakikita natin sa ating kapaligiran, at napapanood natin sa telebisyon at social media - bunga ng pagtanggi o pagsasawalang bahala ng ilan, sa pagkatao ng kanilang kapwa. Pero, lingid sa ating kaalaman, may mga karahasan ding nangyayari sa ating puso: katulad ng pagtanim at pagkimkim ng galit, pagtangging magpatawad, paghangad ng masama, laban sa mga taong umuusig

o hindi tumatanggap sa atin, pagsira ng reputasyon ng iba, pagkalat ng maling impormasyon o “fake news” – mga karahasan ito na umaalipin sa atin. Hinihikayat tayo ngayon ng Panginoong Hesus na wakasan ang mga karahasang ito, una’t higit, sa ating mga puso, sa pamamagitan ng pagdesisyong putulin ang kasamaan - sa pagharap dito nang may kahinahunan at kabutihang loob. Walang imposible, sa tulong ng Maykapal.

Manalangin tayo:

Panginoon, hilumin Mo po ako sa mga negatibong pag-iisip at saloobin na lumalason sa aking puso’t kamalayan.  Tulungan nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu na maging tapat sa pagbabahagi ng kapayapaang handog ni Kristo, Amen.

 

-Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings