PAULINES

Mabuting Balita l Hunyo 8, 2023 - Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Hunyo 8, 2023

Huwebes sa Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon


Ebanghelyo: Marcos 12:28-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Hesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Hesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Hesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Hesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Hesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

 

Pagninilay:

Pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Lagi nating naririnig ang paalalang ito, ang pinakamahalagang utos, na hindi mapaghihiwalay at laging magkaugnay. Paulit-ulit na ipinapaalala dahil madalas tayong makalimot at lagi nating pinaghihiwalay. Madali nating sabihing mahal natin si Lord. Madali tayong magsabi na God loves us at we love God. Pero patuloy naman nating kinamumuhian ang ating kapwa. Patuloy tayong nagkakasakitan, patuloy na nanghuhusga ng iba. Sa totoo lang alam nating hindi madali. Alam natin, buhat sa karanasan na may mga pagkakataong mahirap ibigin ang ating kapwa. Pero ito ang hamon ni Hesus sa atin sa Mabuting Balita sa araw na ito. Ang magmahal, ang mahalin ang Diyos at ating Kapwa.Alalahanin natin na ang tunay na nagmamahal, kumikilos, nagtataya, hinihigitan ang sarili - maging ang kanyang mga kahinaan, higit sa lahat nagsisikap ipakita at ipadama ang kanyang pagmamahal. Mga kapanalig, Kung tunay nating mahal ang Diyos, mamahalin din natin ang mga mahalaga sa Kanya: ang kanyang mga nilikha, ang daigdig, mga hayop, mga karagatan, ang kalikasan, lalo’t higit ang ating kapwa tao. Sa pagpapahalaga natin sa lahat ng nilikha ng Diyos, naipadarama at naipakikita natin sa Diyos na mahal natin Siya. Dagdag pa rito, nagbubunga ito ng kaligayahang hindi mapapantayan. Sabi nga sa isang awit: ‘Di ba’t sadyang may kapwa ang sariling dapat hainan ng pagsisilbi. At mamangha ligaya’y dadalisay pag sa kapwa buhay mo ay naalay. Bawat galing gamitin sa paglingap, laging damhin kung may naghihirap, at tandaan ganyang pagmamahalan, unang-unang atas ng kabanalan.  At sa patuloy na pag-uulit, patuloy na

pagmamahal, dumadalisay ang ating pag-ibig sa Diyos at kapwa, hanggang sa maging banal at tunay tayong maging mga Anak ng Diyos.

 

 - Rev. Buen Andrew Cruz, SSP l Society of Paul

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings