PAULINES

Mabuting Balita l Marso 10, 2023 – Biyernes


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 10, 2023 – Biyernes

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Mt 21:33-43, 45-46

Sinabi ni Hesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” ‘Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon. Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus. Huhulihin na sana nila s’ya, ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta.

Pagninilay:

Natatanto ba natin ang magagandang oportunidad na dumarating sa ating buhay? Malamang, kulang ang mga daliri sa ating mga kamay at paa, kung bibilangin natin ang mga ito.  Pero higit pa sa pagbibilang, pagyamanin sana natin ang mga pagkakataong ito hindi lang para sa ating ikabubuti, kundi para sa ikabubuti din ng ating kapwa.  Nang sa ganun, maging karapat-dapat tayo sa mga kaloob na pagpapala ng Diyos. Ang problema sa atin minsan, katulad tayo ng mga katiwala sa Mabuting Balita ngayon. Nagiging ganid ang ilan sa atin sa mga biyayang ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos.   Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita na wala tayong pag-aari sa buhay na ito na hindi nagmumula Diyos. Tayo’y pawang mga katiwala lamang nang lahat ng bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Kaya marapat lamang na maging mabubuti tayong katiwala – mapagpakumbaba, matulungin at laging kinikilala ang Diyos bilang pinagmulan ng lahat ng tinatamasa natin ngayon. Nawa’y maging daluyan tayo ng pagpapala ng Diyos, lalo na sa mga kapatid nating nangangailangan. At laging mapagpasalamat sa Diyos sa lahat ng panahon at pagkakataon sa ating buhay.

Ms. Imelda Benitez - Dometita

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings