PAULINES

Mabuting Balita l Marso 11, 2023 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 11, 2023 – Sabado

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Luke 15:1-3,11-32

Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: 'Itay, ibigay n'yo na sa akin ang parte ko sa mana.' At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: 'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: 'Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: 'Madali, dalhin n'yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya. ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan. Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, 'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.'”

Pagninilay:

Very substantial ang Mabuting Balita natin ngayong araw. Ang daming pwedeng pagnilayan. Pero, itutuon ko ang aking pagninilay sa ugnayan ng ama at ng panganay na anak. Nabulag siya sariling pangangatwiran at paniniwala, at feeling niya, hindi siya nabigyan ng sapat na attention ng kanyang ama. Itinuwid ng kanyang ama ang maling paniniwalang ito; at ipinaliwanag kung bakit kailangan nilang magpiging at magsaya. Mga kapanalig, tunay na mabuti, mapagmahal, mahabagin at mapagpatawad ang Diyos. Lubos ang Kanyang pagnanais na lahat tayong Kanyang mga anak, nagmamahalan at nagpapatawaran. Kaya nga, nais Niyang tanggapin natin ang ating kapwa, anuman ang kanilang mga pagkukulang at pagkakamali. Hindi Siya nawawalan ng pag-asa o sumusuko kapag nalalayo tayo sa Kanya. Kung saan tayo mahina, doon tayo yayakapin ng Diyos.

Sr. Clemence Mallete, fsp / Daughters of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings