Mabuting Balita l Marso 14, 2024 – Huwebes
sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo: Jn 5:31-47
Sinabi
ni Hesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi
mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at
alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. May patotoo
naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama
upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga
gawang ginaganap ko ang nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin
sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang
tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang
salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga
Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang
hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong
lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao,
ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako
tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito
sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Huwag ninyong ipalagay
na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal
laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung paniniwalaan nga ninyo si Moises,
paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya.
Ngunit kung hindi ninyo paniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong
paniniwalaan ang mga pananalita ko?”
Narinig natin ang pagpaliwanag ng
Panginoong Hesus sa mga Judio, na hindi siya nagpapatotoo sa ganang kanya
lamang, upang maparangalan ng tao; kundi, nagpapatotoo siya para maligtas
sila. Ang mga himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay naging patotoo na
sana sa kanila, upang maniwala na siya ang sinugo ng Diyos Ama. Pero
dahil sa katigasan ng kanilang puso at saradong pag-iiisip, hindi sila
nakarating sa ganitong realisasyon. Hindi nila nasumpungan ang tunay na liwanag
Mga kapanalig, sikapin nating panatilihin
at nag-aalab ang ating pananampalataya sa Panginoong Hesus, lalo na sa pinaka
mahihirap na sitwasyon ng ating buhay. Tanging sa pananalig natin sa
Panginoon Hesus, na Anak ng Diyos, tunay nating masusumpungan ang liwanag, ang
kahulugan ng buhay. Amen.
Fr. Edward Dantis, SSP l Society of St .Paul Ebanghelyo: Jn 5:31-47