PAULINES

Mabuting Balita l Marso 14, 2024 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 14, 2024 – Huwebes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma      

Ebanghelyo: Jn 5:31-47

Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. May patotoo

naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginaganap ko ang nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang
salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong
lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito
sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung paniniwalaan nga ninyo si Moises,
paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo paniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”

 

 

 

Pagninilay:

Narinig natin ang pagpaliwanag ng Panginoong Hesus sa mga Judio, na hindi siya nagpapatotoo sa ganang kanya

lamang, upang maparangalan ng tao; kundi, nagpapatotoo siya para maligtas sila.  Ang mga himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay naging patotoo na sana sa kanila, upang maniwala na siya ang sinugo ng Diyos Ama.  Pero dahil sa katigasan ng kanilang puso at saradong pag-iiisip, hindi sila
nakarating sa ganitong realisasyon. Hindi nila nasumpungan ang tunay na Liwanag sa katauhan ni Hesus.  Mga kapanalig, sikapin nating panatilihin at nag-aalab ang ating pananampalataya sa Panginoong Hesus, lalo na sa pinaka mahihirap na sitwasyon ng ating buhay.  Tanging sa pananalig natin sa Panginoon Hesus, na Anak ng Diyos, tunay nating masusumpungan ang liwanag, ang
kahulugan ng buhay.  Amen.

 

-      

Fr. Edward Dantis, SSP l Society of St .Paul

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings