PAULINES

Mabuting Balita l Marso 21, 2023 – Martes


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 21, 2023 

Martes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Jn 5: 1-16

Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “ Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.

Pagninilay:

Nakikita tayo ng Panginoong Hesus at nababatid Niya ang taimtim na hangarin ng ating puso. Ito ang pinatunayan ng Mabuting Balitang ating narinig.  Nagpagaling si Hesus ng iba’t ibang karamdaman, sa iba’t ibang paraan; at kabilang dito ang pagpapagaling sa pamamagitan ng SALITA.  Sinabi ni Hesus sa isang lalaking tatlumpu’t walong taon nang may sakit: “Tumindig ka, kunin ang iyong higaan at lumakad ka” … at biglang gumaling ang lalaki.  Mga kapanalig, words are powerful!  Kapag ang ating mga salita’y nagtuturo, naghihikayat para mapabuti, mapagaan ang pakiramdam ng isang tao, at makapagpawi ng takot – nagiging daluyan tayo ng biyaya ng Diyos sa iba. At nalulugod ang Espiritu ng Diyos sa tuwing ginagawa natin ito.  Kaya, gamitin natin ang kapangyarihan ng ating mga salita upang magdala ng kagalingan, kabutihan at pagmamahal; at hindi bilang sandata upang makapaminsala at makasakit ng damdamin ng ating kapwa.  Gamitin natin ang ating mga salita para bumuo ng magagandang relasyon at hilumin ang mga pusong sugatan.  Let our words heal the broken hearted.

Mga kapanalig, ganun nga ka-powerful ang ating salita.  Maaari itong makaapekto sa ating kapwa habang buhay; o maging hanggang kamatayan, dala-dala ang sama ng loob na dulot natin sa kanila hanggang hukay.  Kaya pag-isipan nating mabuti ang mga salitang namumutawi sa ating labi, upang maiwasan nating makasakit ng damdamin ng ating kapwa.  Sabi nga ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Efeso 4:29 - “Huwag hayaang mamutawi sa ating mga labi ang masamang pananalita kundi ang mabuti, sa layuning pasiglahin ang iba sa oras ng pangangailangan at pagkalooban ng biyaya ang mga nakikinig”.

Sr. Clemence Mallete, fsp / Daughters of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings