PAULINES

Mabuting Balita l Marso 22, 2023 – Miyerkules


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 22, 2023 

 Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Jn 5: 17-30

Sumagot si Hesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kaya lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Hesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ang Anak ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. May buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat Anak siya ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

Pagninilay:

Sa maikling panahon ng pananatili sa Italya, nakilala ko ang maraming Pilipinong naghahanap-buhay doon. (Nasaksihan ko doon ang marami sa ating mga kababayan, na higit sa isa ang trabaho sa bawat araw. Minsan pa nga, may tatlo o apat na trabaho sa bawat araw. Apat na oras sa bawat tindahan o tahanang lilinisin, kaunting pahinga tapos lipat sa panibagong trabaho.) Lahat ng hirap tinitiis upang makapagbigay ng magandang buhay sa pamilya, sa mga anak na umaasa. Patuloy silang gumagawa, para sa ikabubuti, para sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay. Marahil ganito rin ang Ama at si Hesus, patuloy na nagbibigay pag-asa, patuloy na gumagawa para sa atin, patuloy tayong inaanyayahan upang magbalik loob at manalig sa pag-ibig ng Diyos. Bakit? Dahil para sa atin ang lahat ng sakripisyong ito, dahil mahalaga tayo, dahil mahal nila tayo. [Halos walang pahinga upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan. Sa panahong ito ng kuwaresma, balikan natin at panghawakan ang katotohanang ito mula kay Hesus: na araw-araw, tulad ng Ama, si Hesus ay nag-sasakripisyo para sa atin. Amen

Cl. Buen Andrew Cruz, SSP / Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings