PAULINES

Mabuting Balita l Marso 25, 2023 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 25, 2023 

Sabado sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Lc 1:26-38

Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang Lungsod ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria, pag pasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya. “Aba, puspos ka ng biyaya, Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito si Maria ay nagitla. At pinag dili dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanya ng Anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat nagging kalugod lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; At walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag anak mong si Isabel ay nag lihi ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

Pagninilay:

Ang Mabuting Balitang narinig natin, ang tagpong ating pinagninilayan sa tuwing dinarasal natin ang unang misteryo ng tuwa ng Santo Rosaryo.  Ito rin ang ating ginugunita sa tuwing dinarasal natin ang “Angelus” o ang orasyon.  Kapansin-pansin din, na sa tuwing ipinapahayag natin ang ating pananampalataya sa Banal Misa, yumuyuko tayo sa bahaging: “Nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo kay Mariang Birhen at naging tao.” Talagang napakahalaga nito para sa atin.  Yumuyuko tayo upang parangalan, ang pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng tao - ang Diyos na nagiging tao.

Mahalaga ang naging papel ng Mahal na Birheng Maria sa kasaysayang ito.  Bukod siyang pinagpala sa babaeng lahat dahil nagawa niyang tanggapin ang napakalaking atas sa kanya ng Panginoon: ang maging Ina ng Diyos.  Ang kanyang naging tugon: “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi” (Lk 1:38).) Magandang halimbawa sa atin ang Mahal na Birhen.  Katulad niya, inaanyayahan din tayo ng Panginoon na makibahagi sa kanyang gawaing pagliligtas.  Inaasahan din niya tayong maging tagapahayag ng Mabuting Balita upang mas marami ang makasumpong ng kaligtasang si Hesus lamang ang makapagbibigay.  Inaanyayahan niya tayong makibahagi sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa, sa pamamagitan ng mga bokasyon kung saan tayo tinawag.  Tularan natin si Maria.  Huwag tayong matakot tumugon ng “Opo” sa ating Panginoon.  Walang mawawala sa atin.  Hindi tayo malulugi. Dahil kinalulugdan ng Diyos ang mga tapat sa kanya.

Manalangin tayo:  O Maria, Ina ng Diyos at Ina namin.  Katulad mo, magawa naming laging tumugon ng “opo” sa tawag ng Diyos.  Huwag sana kaming matakot na sumunod sa kalooban ng Diyos.  At lagi nawa naming tanggapin si Hesus, ang iyong Anak at aming kapatid, sa aming mga Puso. Amen.

Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Archdiocese of Manila

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings