PAULINES

Mabuting Balita l Marso 28, 2023 - Martes


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 28, 2023 

Martes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Jn 8:21-30

Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n'yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon?' Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo'y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n'yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Hesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n'yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Hesus, marami ang naniwala sa kanya.

Pagninilay:

Naitanong mo na ba sa iyong sarili, kung sino si Hesus para sa iyo? Ito na yata ang pinaka sentro ng ating pananampalataya bilang Kristiyano – ang makilala kung sino si Hesus para sa ating buhay. Hindi sapat na magkaroon lamang ng kaalaman, batay sa mga aklat o mga turo ng mga dalubhasa. Kasama ang lahat ng ito, marapat na pagyamanin at palalimin pa natin ang ating pagkilala, at ugnayan sa ating Panginoong Hesus. Tamang-tama ang panahong ito ng kuwaresma sa proyektong ito. Pero, paano natin mas makikilala si Hesus? Una sa pananalangin, sa pakikipag-usap sa kanya sa ating pagdalaw, lalo’t higit sa pagtanggap sa Banal sa Sakramento. Ikalawa, sa pakikinig at pagbasa ng kanyang mga aral sa Mabuting Balita, gayundin sa mga turo ng mga ama ng simbahan, ng mga santo at mga mystico. Ikatlo, sa ating pakikipag-kapwa, ugnayan at pagkalinga sa mga mahihirap, sa mga may sakit at sa kanilang mga nasa laylayan ng lipunan. Sa ganitong mga pagkakataon, mas makikilala natin si Hesus.  Nawa ang ating pagkilala kay Hesus, ang Anak ng Diyos, ay Daan tungo sa pagtuklas sa Katotohanang tayong lahat ay mga anak ng Diyos at inaakay niya tungo sa Buhay na walang hanggan kapiling ng Ama.

Cl. Buen Andrew Cruz, SSP / Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings