PAULINES

Mabuting Balita l Marso 3, 2024 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 3, 2024 l Ikatlong Linggo ng Kuwaresma

Ebanghelyo: Juan 2:13- 25

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga

nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa
mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang
Templong ito, ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila
sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus

Pagninilay:

Sino ba ang Hesus na pinaniniwalaan mo?  Ito ba ang Hesus na ipinadala sa atin ng Ama, o ang Hesus na ayon sa ating sariling pagtingin?  Iba’t-iba ang pagtingin natin kay Hesus,

depende sa ating karanasan nang pakikipag-ugnayan sa Kanya.  Meron ang pagtingin kay Hesus, ay isang Ama na mapagkalinga; isang kaibigan na pinagsasabihan ng problema at hinihingan ng
tulong; isang kapatid o kaibigan na kasa-kasama sa paglalakbay sa buhay.  Anuman ang relasyon natin kay Hesus ngayon,
mahalagang pakaisipin natin, na Siya ang kaganapan ng pangakong pagliligtas ng Ama, ang dakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos Ama sa atin.  Sa Ebanghelyo ngayon, nangungusap sa atin ang Hesus na ipinadala ng Ama.  Hindi kababalaghan o karunungang dikta ng daigdig ang dala Niya, sa halip, ipinapakilala ng Ama sa atin si Hesus na kailangang magbata ng hirap, at mamatay, pero muling mabubuhay.  Mga kapatid, nawa’y maging handa tayong sundan si Hesus sa pagtataboy ng anumang hindi maka-Diyos sa ating
buhay tulad ng hindi pagpapatawad, pandaraya sa negosyo, mga maling pakikipag-relasyon, at pagmamalabis sa kapwa at sa kalikasan.  Ang ating katawan ang templo ng Espiritu
Santo.  Kaya sikapin sana nating pakalinisin ang ating katawan, sa mga kasalanang nagpaparumi dito nang maging
karapatdapat tayong panahanan ng Espiritu Santo. 

Manalangin tayo:  Panginoon, pakalinisin Mo po ako sa mga

kasalanang nagpaparumi sa akin, upang maging marapat akong panahanan ng Iyong banal na Espiritu.  Amen.


...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings