PAULINES

Mabuting Balita l Marso 5, 2023 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 5, 2023 

 Linggo sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma (A)



Ebanghelyo:  MATEO 17:1-9

Isinama ni Hesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Hesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises, Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Hesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Hesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.

Pagninilay:

Ang pagbabagong anyo ng ating Panginoon sa bundok ng Tabor ay isang sulyap sa hinaharap – a preview of what is to come.  Sina Pedro, Juan at Santiago nga ang mga mapalad na unang nakakita sa kung ano ang mangyayari kay Hesus sa kanyang muling pagkabuhay.  Bagamat hindi pa nila lubos nauunawaan ang nangyayari noong panahong iyon, pinatikim sa kanila ni Hesus ang kanyang kaluwalhatian at pinamalas sa kanila ang kanyang pagka-Diyos.

Marahil itatanong natin, bakit ito ginawa ni Hesus?  Mga kapanalig, ang pagbabagong anyo ni Hesus ay pahiwatig din ng kanyang awa at malasakit.  Alam ni Hesus ang kanyang kapalaran.  Ipinaalam na niya sa Kanyang mga alagad “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay” (Mt 16:21).  Lahat ng ito’y masasaksihan ng kanyang mga alagad at maari silang mapanghinaan ng loob.  Kaya naman minabuti ni Hesus na ipatikim sa kanila ang kanyang kaluwalhatian – kung ano ang mangyayari sa kanyang muling pagkabuhay.

Mga kapanalig, totoong ang pagsunod kay Hesus ay mahirap.  Kailangan nating pasanin ang ating mga krus.  Katulad ng ating Panginoon, maraming mga pagsubok, panglilibak at pagkamatay sa sarili ang dapat nating harapin. Pero, huwag tayong matakot, dahil si Hesus ang ating sinusundan.

Siya ang “Anak ng Ama” na lubos niyang kinalulugdan.  Tiyak na ihahatid niya tayo sa ating gantimpala: ang buhay na walang hanggan.

Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Archdiocese of Manila

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings