PAULINES

Mabuting Balita l Marso 9, 2023 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Marso 9, 2023 

 Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Lucas 16:19-31

Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan n’ya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad s’ya ng sugat at gusto sana n’yang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat. At namatay ang dukha at dinala s’ya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na s’ya tumingala s’ya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya’t sumigaw siya: 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw n’ya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.' 'Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya s’ya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa'y malawak na bangin ang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.' 'Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.' 'Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.' 'Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.' 'Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, hindi pa rin sila maniniwala bumangon man ang isa sa mga patay.'”

Pagninilay:

Tampok ang napakagandang parabola tungkol sa isang mayamang lalaki at kay Lazaro ang ating Mabuting Balita ngayong araw. Tinawag ng Diyos na “hangal” ang mayaman dahil sa isang iglap, hindi ari-arian ang kinuha ng Diyos, kundi oras at buhay niya dito sa mundo. Tinuturuan tayo ng Diyos na talaga namang isang kahangalan ang umasang nakabatay ang ating buhay, reputasyon, at pagkatao sa mga bagay na mayroon tayo. Mahirap maging hangal sa mga bagay na lumilipas, habang nagiging bulag din sa mga pangangailangan ng iba. Kaya nga’t pagdating sa kabilang buhay—nagkaalaman kung sino talaga ang lubhang mahirap—ang mayamang lalaki noong nabubuhay pa siya. Dahil, ang tunay na dukha o mahirap ay yaong mga taong may ninanais pero manananatiling kapos, dahil sa pagkaganid at kaylanma’y hindi mapupunan.

Manalangin tayo:

Panginoon imulat mo nawa kami sa pangangailangan ng aming kapwa upang maging handa kaming tumulong sa abot ng aming makakaya. Matanto nawa namin na ang tunay na kayamanan ay makikita’t malalasap lamang sa iyong kaharian. Hindi materyal na bagay, kundi lubos at ganap na kapayapaan at kagalakan. Amen.

Cl. Vinz Aurellano, SSP / Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings