PAULINES

MABUTING BALITA l MAYO 10, 2022 - MARTES


Listen Later

MABUTING BALITA

MAYO 10, 2022 - Martes sa Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Jn 10: 22-30

Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Hesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa aking mga kamay. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”

Pagninilay:

Minsan, habang naglalaro kaming magpipinsan, nakarinig kami ng isang malakas na sitsit: “Pssssst!” Biglang-bigla na tumayo ang aking pinsan at nagmamadaling umuwi sa kanilang bahay. Alam na niya na tinatawag siya. Alam niya na mula ang tunog na iyon sa kanyang ina. May iba’t ibang paraan ng pagtawag ang bawat pamilya. May roong sa pangalan, mayroong sa palakpak, may iba nga sitsit lang, alam na nilang sila ang tinatawag ng kanilang magulang o kapamilya. Natatangi din ang pagtawag na ito sa atin bilang mga Pilipino. Kung nais mo nga raw malaman sa ibang bansa kung may Pilipino doon sa isang lugar o pangkat ng mga tao, subukan mong sumitsit. Malamang ang lilingon ay makakikilala rin na Pilipino ka. Sa bawat pagtawag mahalagang maunawaan ang natatanging ugnayan na mayroon sa tumatawag at tinatawag, ugnayan na nakakikilala. Alam ng aking pinsan na siya ang tinatawag, kahit pa walang madidinig na pangalan dahil kilalalang kilala niya ang tinig ng kanyang ina. May katangian ang tunog na ito na kumakausap at kumakalabit sa kwerdas ng kanyang puso na tanging ang kanyang ina lamang ang makagagawa. Nauunawaan ng kanyang puso at isip na pinababalik siya at tinatawag pauwi ng kanyang ina. Marahil, ganito ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo, na kilala at nakikinig at tumatalima ang mga tupa sa pagtawag ng Mabuting Pastol. Tumutugon ang puso sapagkat may malalim na ugnayan ang pastol sa mga tupa, gaya ng ugnayan ng ina at ng aking pinsan, gaya ng isang ama sa kanyang anak. Bukas ang kanilang puso at isipan, handang makinig at tumugon. Kung tinatawag tayo ng Mabuting Pastol, makikilala ba natin ang tinig niya? Nawa mapalalim pa natin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos sa tulong ng ating pananalangin upang mas malinaw nating madinig ang tinig niya sa gitna ng maingay na paligid at dami ng mga gawain sa buhay.

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings