PAULINES

Mabuting Balita l Mayo 20, 2023 – Sabado


Listen Later

Mabuting Balita l Mayo 20, 2023

Sabado sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay




Ebanghelyo: Jn 16:23–28

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin, sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko, ay ipagkakaloob n’ya sa inyo. Wala pa kayong nahiling sa Ngalan ko. Humingi kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang kagalakan ninyo. Sa paghahambing ko lamang ipinahayag sa inyo ang mga ito. Ngunit palapit na ang oras na hindi ako gagamit ng paghahambing kundi tahasan ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama., Sa ngalan ko kayo hihiling sa araw na ’yon; hindi ko ibig sabihin na hihingi ako sa Ama alang-alang sa inyo ngunit mismong ang Ama ang umiibig sa inyo dahil umiibig kayo sa akin at naniniwala na mula ako sa Diyos. Galing ako mula sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”

 

Pagninilay:

Ang Panginoong Hesus ay nagsasalita kadalasan ng mga talinghaga. Ano ang dahilan? Dahil kung ang pagsasalita ay patalinhaga, hindi lang ito mapapakinggan, kung hindi madarama ng puso, dahil maaaring ito’y ating karanasan.  Kaya hindi lang ito papasok sa ating isipan.  Pero, sinabi rin ng Panginoong Hesus na darating ang panahon, na tuwiran na ang kanyang pagsasalita, at maliwanag na sasabihin ang tungkol sa kanyang Ama. Ang nananalig madaling makakaunawa; samantalang ang hindi nananalig, mananatili sa kadiliman at kalungkutan. Kung ang puso ay puspos ng pagmamahal, hindi ito kayang sarilinin. Sa katunayan, kayang yakapin ng puso ang buong mundo, dahil ang pusong nagmamahal ay walang limitasyon.

Mga kapanalig, ang paghahalimbawa ng pagkakilala at pagtanggap sa Panginoong Hesus, ay tulad ng isang babae na nagsilang ng sanggol. Magdaranas ng masidhing lumbay dahil sa sakit na daranasin, pero kapag naisilang na ang sanggol, walang hanggang galak ang dulot nito. Magagalak nga tayo at mananatili sa landas ng kaliwanagan, kung ang pagmamahal ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesus, ang sa ati’y mananahan. Pagsumikapan nawa nating isabuhay at ibahagi, ang magandang karanasan natin sa ating Panginoong Hesus. At maging instrumento tayo ng pagpapahayag ng salita ng Diyos, upang maranasan din ng iba ang walang-hanggang kaligayahan.

 

-      Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul

 

 




...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings