PAULINES

MABUTING BALITA l MAYO 4, 2022 - MIYERKULES


Listen Later

MABUTING BALITA

MAYO 4, 2022 - Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Jn 6:35-40

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng aking Ama: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”


Pagninilay:

Minsan, natanong ko yung isang kargador sa Divisoria na madaling-araw pa lang ay abala na sa pagpapasan ng mga bulto-bultong pinamili.

“Kuya, nag-almusal ka na ba?”

“Nagkape’t pandesal na po, Ma’am. Mamaya na ang almusal kapag may kinita na.”

“Ano ba ang inaalmusal mo?”

“Tapsilog ma’am paborito ko yon. Dinadagdagan na lang ng kanin.”

Nagutom ba kayong bigla?

Di ba, para sa ating mga Pinoy, hindi kumpleto ang almusal o anumang hapag kung walang kanin?

Kaya tuloy, iba ang dating sa atin ng ebanghelyo ngayon. Sa mga Hudyo kasi, staple food nila ang tinapay. Siguro, kung Pilipino si Hesus, imbes na “Ako ang tinapay ng buhay” ang sasabihin niya ay “Ako ang kanin ng buhay.”

Basta may kanin, kahit tuyo at suka lang ang ulam, o kaya’y pinitong galunggong at nilagang talbos ng kamote’t bagoong, ayos na, diba? Madalas na nagpakain si Hesus sa Ebanghelyo pero ngayon sinasabi niya na siya ang pagkain ng buhay. At sinumang kumain sa kanya ay hindi magugutom. Ang sarili niyang katawan at dugo ang iniwan niya sa atin upang bumusog sa ating gutom at pumawi sa ating uhaw. Sa Banal na Eukaristiya tinatanggap natin ang lahat ng biyaya – si Kristo mismo ang pumupuno sa kumakalam nating kaluluwa at nauuhaw nating kalooban sa pagkalinga, pag-unawa at pagtanggap. Sa Eukaristiya pinupuno niya tayo ng kapayapaan at katiwasayan. Bakit? Dahil mahal niya tayo, at upang tayo din ay maging daluyan ng kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa lahat. Kailan ka huling tumanggap sa kanya? Halina, kapanalig. Naghihintay lang siya sa iyong paglapit. Tanggapin mo siya sa Banal na Komunyon tuwing Linggo (o kahit araw araw) at mabubusog ka nang habang buhay!

Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo kami ng lakas at kababaang-loob upang lumapit sa iyo at tanggapin ka sa Banal na Eukaristiya. Amen!

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings