PAULINES

Mabuting Balita l Mayo 5, 2024 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Mayo 5, 2024


Ikaanim na Linggo ng Muling Pagkabuhay


Ebanghelyo: Juan 15, 9-17

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang

kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa
pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing
na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo
ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga,
at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”


Pagninilay:

Meron ka bang matalik na kaibigan? O sa tawag ng mga kabataan ngayon, BFF? Kilala ka ng BFF mo – ang lakas at kahinaan mo, ang mga paborito mo at ayaw mo. Alam niya ang lahat ng mahalaga sa iyo, ang mga problema at mga sikreto mo. At BFF mo siya dahil kahit alam niyang lahat

ito, alam mo na tanggap ka niya kahit ano ka pa at mahal ka niya. Kapanalig, Alam mo ba na ito ang sinasabi ni Jesus sa ebanghelyo ngayon: BFF kita kasi sinabi ko sa iyo lahat ng sikreto ko! Sa katunayan po, ang salitang Griyegong ginamit dito ay mas angkop na isaling
'minamahal' o 'beloved' sa halip na kaibigan. Itinuturing tayong beloved, minamahal ni Jesus. Huminto tayong sumandali at hayaan nating pumasok ang katotohanang ito hindi lang sa ating isipan kundi sa ating puso at kalooban. MINAMAHAL! Hindi na tayo nag-iisa. Meron na tayong takbuhan sa panahon ng kagipitan at pagdurusa. May kasama tayo anuman ang mangyari, at hindi niya tayo pababayaan. Pinadarama at pinaaalaala niya sa atin na mayroon tayong Ama sa langit: Amang mapagkalinga at mapagmahal. Kapanalig tumingin ka sa paligid mo at balikan mo ang karanasan mo sa mga nakaraang araw. Naranasan mo ba ang pagkalinga at pagmamahal ng Diyos? Nagpasalamat ka ba? Naging BFF ka din ba sa Kanya? Naibahagi mo ba ang pagmamahal niya sa iba? Lalo na sa mga taong nalulungkot o yung aburido at puno ng galit? Baka kailangan din nilang marinig ang mga sikretong ipinahayag sa iyo ni Jesus – pwede bang i-share mo ito sa kanila?

 

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings