PAULINES

Mabuting Balita l Mayo 9, 2024 – Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita l Mayo 9, 2024 – Huwebes

Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay        

Ebanghelyo: Juan 16,16-20

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sandali pa at hindi n’yo na ako muling makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano ba itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” Kaya sinabi nila: “Ano ba itong ‘sandali’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi n’ya.” Alam ni Hesus na niloloob nilang tanungin s’ya at sinabi n’ya sa kanila: “Itinatanong n’yo sa isa’t-isa ang ibig kong

sabihin, ‘Sa sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n’yo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.

 

Pagninilay:

Sandali lang po! Madalas ito ang sagot kapag may inuutos si Mamang o si Papang sa aming magkakapatid. Kahit na may mga toka na kami sa mga gawaing bahay at alam naman na walang ibang gagawa ng naka-atas sa amin, laging “Sandali lang” ang sagot kapag ipinaalala yon. Minsan, tatlong beses nang sinabi na maghugas na ng pinagkanan, at naka-tatlong sandali lang na sagot. Nagalit na ang Papang: “Ano, tatakpan ko na lang ba ng banig ang lamesa? At dito na rin tayo kakain bukas?” Saka pa lang nagkumaripas at nagtulung-tulong kami sa pagliligpit. Sa Mabuting Balita ngayon, walong beses inulit ang sandali

na lang. Sa Griego po, ito ay micron, pero dalawang sandali ang tinutukoy ni Jesus: “Sandali pa at hindi nyo na ako makikita, at sandali pa at makikita nyo rin ako.” Una, sandali na lang at magdurusa na at mamamatay si Kristo sa Krus – kaya’t hindi na siya makikita ng mga alagad. Ang ikalawang sandali na lang ay ang kanyang pagkabuhay na mag-uli, ang pagtatagumpay niya laban sa kasalanan at
kamatayan. Sinabi niya ito sa kanila para maging handa sila sa mga paghihirap ni Jesus na masasaksihan nila, at nang hindi sila mawalan ng pag-asa. Magbubunyi at magagalak ang mga nagpapatay sa Kanya at mapupuno ng pighati ang kanyang mga alagad. Pero pagkatapos ng tatlong araw, sila ang magdiriwang kay Kristong muling nabuhay. Kapatid/ kapanalig, sandali lang ang mga paghihirap na pinagdaraanan natin dito sa lupa. Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Roma: “Ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw.” Kaya’t tibayan natin ang ating loob, at huwag tayong padaig sa kawalan ng pag-asa.


   

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings