PAULINES

Mabuting Balita l Nobyembre 6, 2022 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Nobyembre 6, 2022 – Linggo | Ika – 32 na Linggo sa Karaniwang Panahon

#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH


Ebanghelyo: Lucas 20: 27-38

Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Hesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Hesus: “nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”

Pagninilay:

Isang masamang hari si Antiochus. Nabuhay siya sa panahon ng Lumang Tipan at hangad niya na talikdan ng mga Judio ang pinapahalagahan nilang pananampalataya. Pinilit niyang kumain ng baboy ang pitong magkakapatid kahit alam ng hari na labag iyon sa pananampalataya ng mga Judio. Pinagbantaan na papatayin sila, ngunit hindi tumiklop sa takot ang mga magkakapatid. Sa kauna-unahang pagkakataon sa Bibliya, maririnig natin kung paano ipapahayag ng mga magkakapatid na Judio ang matibay nilang pananampalataya sa muling pagkabuhay.

Para sa mga magkakapatid, sigurado silang hindi magpapabaya sa kanila ang Diyos at bubuhayin silang muli. Ngunit ang muling pagkabuhay na pinanghawakan nila ay limitado lamang at hindi pa naaayon sa muling pagkabuhay na kakamtin ni Jesus para sa sanlibutan. Naniwala ang mga Judio na babalik sila sa mundong ito, at magpapatuloy lamang sa dati nilang buhay.

Ngunit hindi ito ang pang-unawang ibinibigay sa atin ni Jesukristo tungkol sa ating muling pagkabuhay. Hindi ito pagbabalik sa dati nating buhay at pagpapalawig ng mga taon sa daigdig na ito. Ipinakita ni Jesus ang magaganap sa muling pagkabuhay ng mga Kristiyano. Tayo’y magiging mga bagong nilalang. Wala nang sakit, wala ng dusa. Hindi na tayo matatali sa mga dati nating kinasasangkutan sa lipunan at sa mundong ito. Hindi na rin iiral ang mga mahihigpit nating ugnayan sa pamilya o kaibigan sapagkat sa langit magiging maligaya ang lahat ng tao. Wala nang maghahanap. Wala nang magkukulang. Lahat ay magiging sapat sa harap ng kaluwalhatian ng Diyos.

- Fr. Paul Marquez, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings