PAULINES

Mabuting Balita l Pebrero 19, 2023 – Linggo


Listen Later

Mabuting Balita l Pebrero 19, 2023 – Linggo

Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Mt 5:38–48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Narinig na ninyo na sinabi: 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya ng isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi 'Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. ' Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n'yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa Langit.” Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa Langit.


Pagninilay:

“Batas ng talion” o Lex Tallionis—ito po ang tawag sa batas na sinasabi ng ating Panginoong Hesus sa unang bahagi ng ating Mabuting Balita. Ibig ng batas na ito na kung ano ang ginawang mali ng isang tao, marapat din na magawa ito sa kanya. Mata sa mata, ngipin sa ngipin! Sa Mabuting Balita ngayon, taliwas ang turo ni Hesus sa batas ng tallion na kanyang itinuro…Sinasabi ng ating Panginoong Hesus, go beyond it! Imbes na mag demand ka ng patas, bakit di natin i-try magmahal? Sa totoo lamang po, mahirap magmahal ng mga taong hindi kamahal-mahal. Sabi ng yumaong Papa Emerito Benedict XVI: ang panawagan na ito ng Diyos, bagamat mahirap, ay ang pina-realistic gawin. Kung patuloy lang ang dahas, doon lamang tayo iikot, mas marami lang ang gulo at away. Pero, kung sisimulan nating magmahal, mas maraming uunawa’t iintindi, mas payapa, mas maraming iibig din. Mga kapanalig, sa tuwing nasa harap tayo ng sitwasyong mabilis umisip at gumawa ng dahas, tumigil sumandali, tanungin ang sarili…kaya ko bang umintindi at mas magmahal? Amen.

Manalangin tayo:

Panginoon, sa tuwing inuusig kami, inaaway kami, nilalabanan kami, sana po mas piliin naming umintindi, umunawa—baka kami ang mali. At kung ang katotohanan at kabutihan ang kinatatayuan namin, huwag sana naming piliing maging mayabang, turuan mo kaming umintindi…turuan mo kaming mas magmahal. Amen

CL. VINZ AURELLANO, SSP

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings