PAULINES

Mabuting Balita l Pebrero 28, 2023 - Martes


Listen Later

Mabuting Balita l Pebrero 28, 2023 - Martes

Unang Linggo ng Kuwaresma



Ebanghelyo: Mt 6:7-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Pagninilay

Makapangyarihan ang mga salita. Pero hindi lahat ng salita, nakabubuti, nakakapagbuklod at nakakagaling. May mga salitang namumutawi sa ating mga puso at bibig na nakakapanghina ng loob at nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak. Katulad na lamang ng mga salitang pinopost natin sa social media, sa isang pindot lang, nasisira ang mga ugnayan. Kaya naman nakakabighani ang mga salitang tinuran ng Panginoong Hesus sa kanyang panalangin—ang “Ama Namin.” Walang makakapantay sa panalanging ito dahil itinuro ito ni Hesus—ang tulay sa pagitan ng tao at ng Amang nasa langit. Si Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos. Naranasan ni Hesus ang ating hirap at pasakit, kaya’t malapit Siya sa atin sa panahong tila wala tayong matakbuhan at makapitan. Ayon kay San Juan, ang Salita ay sumasa-Diyos at ang Salita ay Diyos. Winakasan ni Hesus ang ating pagkaalipin at binigyan tayo ng bagong pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Mga kapanalig, sa ating pagdarasal ng Ama Namin, makamtan nawa natin ang tunay na pagkakaisa at ang kagalingan sa mga sugat ng pagkakawatak-watak at pagiging makasarili. Sa ating pagtawag sa Amang nasa langit, matutunan nawa natin kay Hesus kung paano umibig at magpatawad, upang hindi tayo maging sanhi ng away, pighati at pagkawatak-watak. Magsilbi tayong tulay na umaakay sa ibang tao tungo sa Diyos sa pamamagitan ng ating pamumuhay ayon sa Kanyang kalooban.

- BRO. JOHN ALFRED RABENA

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings